ININSPEKSYON ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Carlo Dimayuga at Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) Deputy Executive Director Atty. Robert Peig ang Monumento station ngayong umaga.
Kabilang sa minonitor nila ang mga carousel bus na nagsasakay sa gilid ng kalsada para maibsan ang kadalasang pagkapal ng mga pasahero sa footbridge lalo na tuwing rush hour.
Nagpahayag ng solusyon ang MMDA sa makipot na walkway na nagiging dahilan kung bakit tumatagal ang movement ng mga pasahero.
“Kakausapin natin ang ating mga departments baka sakaling pwedeng palakihan po ito para ‘yung mga maglalakad marami silang espasyo at wala po palang CR baka maglagay po tayo portalets para naman po doon sa mga nakapila pwede sila mag-CR,” pahayag ni Dimayuga.
Pagtitiyak ng MMDA na lahat ng istasyon sa EDSA Bus way ay aayusin.
“Iisa-iisahin natin…kung titingnan natin ‘yung sitwasyon…we will try to improve other stations,” ayon kay Dimayuga.
Hinikayat ng LTFRB ang publiko na sumakay sa bus carousel para sa umano’y komportable at maginhawang pagbibiyahe.
“Sa ngayon po libre po ito. Pangalawa, tuluy-tuloy po ‘yung biyahe dahil nga meron po silang sariling lane po. Kung bibigyan natin ng pagkakataon na sumakay mararamdaman nila ‘yung comfort at convenience nila sa kanilang paglalakbay,” ayon naman kay Peig.