HINDI kinatigan ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na sibakin sa puwesto ang isang pulis na inirereklamo ng physical abuse ng isang babaeng suspek sa illegal drugs.
Sa halip na tanggalin sa puwesto ay pinatawan lamang ng anim na buwang suspensiyon sa serbisyo ng Korte Suprema ang naturang pulis.
Ito ay matapos kuwestiyunin ng pulis na si Police Officer 2 Herminio Besmonte sa kataas-taasang hukuman ang desisyon ng Civil Service Commission at CA na sibakin siya sa serbisyo dahil sa pananakit.
Sa lumabas na desisyon ng 3rd Division ng Supreme Court, sinabi nitong walang patunay na may bahid ng korapsiyon, sadyang paglabag sa batas at pagbalewala sa mga patakaran ang aksiyon ng pulis kaya’t hindi ito guilty ng grave misconduct na hahantong sa pagsibak dito sa tungkulin.
Pero napatunayan ng hukuman na gumamit ng labis na puwersa ang pulis na si Besmonte kayat ang nararapat na parusa dito ay pagsuspinde sa serbisyo ng anim na buwan.
Sinasabing sinuntok ng pulis sa mukha at sinipa sa tuhod at tiyan ang babae matapos itong pumalag habang inaaresto kasunod ng buy-bust operation sa Las Piñas City.
Paalala naman ng Supreme Court na hindi nila kinukunsinti ang pananakit ng mga awtoridad sa kanilang inaaresto at pinaalalahanan ang lahat na magsilbi nang may integridad, kahusayan, katapatan, at responsibilidad.
“We no longer live in a society where might is right and the lives of the people are at mercy of the whims of those in positions of power. No less than the Constitutions sanctifies the principle that public office is a public trust, and enjoins all officers and employees to serve with the highest degree of responsibility, integrity, loyalty, and efficiency,” pahayag ng Supreme Court of the Philippines.