Pagtatalaga kay Gen. Torre bilang bagong PNP chief, nakababahala —political analyst

Pagtatalaga kay Gen. Torre bilang bagong PNP chief, nakababahala —political analyst

TAONG 2018 nang ideklara bilang persona non grata ng Sangguniang Panlungsod ng Calbayog City si General Nicolas Torre III dahil sa pagiging partisan sa isang partido at bigong pababain ang kriminalidad sa lugar.

Noong Agosto 2024 naman nang mangyari ang hindi malilimutang paglusob ni Torre sa The Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound, kasama ang libu-libong kapulisan na naka-full battle gear. Iligal na kinubkob ang sagradong lugar na ito sa loob ng labing anim na araw kung saan nagdulot ito ng matinding trauma sa mga miyembro ng KOJC, lalo na sa mga kabataan.

At hindi pa rito nagtatapos — si Torre rin umano ang nanguna sa umano’y iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sapilitang idinala sa The Hague, Netherlands kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Lahat ng ito ay pawang mga iligal na operasyon sa ilalim ng liderato ni Torre. Ngunit ang ipinagtataka ng marami, siya pa rin ang pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para pamunuan ang Philippine National Police (PNP).

Sa isang panayam sa SMNI News, binigyang-diin ni Professor Malou Tiquia, isang political analyst, na nakakabahala raw ang naging hakbang ng pangulo dahil ang mismong tagalabag ng batas ang kanyang itinalagang hepe ng PNP — sa halip na maging pangunahing tagapagpatupad nito.

“Paano ka ang magiging poster boy ng PNP na lahat ng violation nagawa mo, ‘di ba? So napakahirap mong i-strengthen ang institution kung ang public face ay ikaw,” ayon kay Prof. Malou Tiquia.

“Makikita mo na nasa charm offensive itong administrasyon na ito, pero certainly si General Torre is not a charm offensive. Nakakatakot na ‘yan ang itinalaga na chief ng PNP,” saad nito.

Ipinagtataka rin ni Tiquia kung bakit tila napaaga ang pagpapalit ng PNP chief.

Nauna nang tinawag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla si Torre na isang “bulldog” o “pitbull” dahil handa raw itong umatake anuman ang iutos sa kanya.

Samantala, ayon kay Senador Jinggoy Estrada, hindi magandang pagpili si Torre at ngayon lang daw nagkaroon ng isang napaka-aroganteng hepe ng Pambansang Pulisya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble