Pagtatatag ng OFW lounge sa mga paliparan, suportado ni Sen. Bong Go

Pagtatatag ng OFW lounge sa mga paliparan, suportado ni Sen. Bong Go

NAGBIGAY ng pananaw si Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go hinggil sa panukala isinusulong sa Kamara para sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Ito ay ang House Bill 1305 na inihain ni OFW Party-list Congw. Marissa “Del Mar” Magsino na magtatatag ng OFW lounge sa mga paliparan sa bansa.

Sa isang media interview, inihayag ni Sen. Go ang pagsang-ayon sa nasabing panukala.

Punto ng mambabatas, malaking bagay ito para sa mga OFWs upang magkaroon sila ng disenteng lugar sa mga paliparan tuwing umaalis at dumarating sa bansa.

‘‘Ngayon naman po ay suportado ko po ito kung saka-sakaling maglagay ng OFWs lounge para sa ating mga OFW. Bakit hindi? Sila po ang ating mga “modern-day heroes” kaya nga po may bago tayong departamento sa kanila,’’ ayon kay Sen. Go.

Aniya, nararapat lang ito para sa mga OFWs na itinuturing nating “modern-day heroes” na nagsasakripisyo sa ibang bansa para sa kanilang mga pamilya.

Giit ni Go, dapat lang na mabigyan ng importansiya ang mga OFWs.

‘‘Remember, more than 10 percent ng population natin ay mga migrant worker, mga OFW, mga modern-day heroes natin sila,’’ dagdag pa ni Go.

Sinabi rin ni Go na isa sa kaniyang inihaing panukala sa Senado ay ang paglalagay ng OFWs ward sa bawat ospital upang magkaroon ng sariling lugar at hindi na mahirapan pa ang mga OFWs na naa-admit sa mga ospital.

Sa huli, pinuri ni Go ang mga naitayong pasilidad para sa mga OFWs. Halimbawa na rito ang pagtatayo ng OFW Hospital at Malasakit Center na matatagpuan sa San Fernando, Pampanga.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

 

Follow SMNI News on Rumble