Pagtatayo ng maraming paaralan, gugugol ng mahabang panahon – DPWH

Pagtatayo ng maraming paaralan, gugugol ng mahabang panahon – DPWH

HANDA ang Department of Public Work and Highways (DPWH) na tumulong sa Department of Education (DepEd) pagdating sa pagpatatayo ng mga kulang na paaralan.

Aminado ang DepEd na malaking hamon sa kanila ang kakulangan ng paaralan para sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22.

Ayon sa ahensiya, kulang sila ng 91,000 na silid-aralan.

Ayon naman kay DPWH NCR Maintenance Chief Eng. Reynaldo Rosario, gugugol ng mahabang taon para maipatayo ang mga naturang paaralan.

Kung sakaling kakailanganin ng mga paaralan na makagawa kahit mga makeshift na mga classroom ay maari daw magawan ng paraan ng DPWH.

Maliban dito, abala na rin ang DPWH sa pakikiisa sa Oplan Balik Eskwela ng DepEd para sa pagsasaayos  o pagmimintina ng mga paaralan gaya ng taon-taon nang ginagawa ng DPWH.

Partikular na tututukan ngayon ng DPWH ay ang restoration ng mga paaralan na sinira ng lindol.

Ayon kay Eng. Rosario, nasa mahigit 400 na mga paaralan ang inisyal na nasira ng kalamidad batay sa assessment ng kanilang 11 regional offices.

Mayroon pang 5 hinihintay na report ang DPWH mula sa mga regional office para makumpleto ang kanilang report.

Ayon kay Rosario, nasa 400M ang insiyal na kakailanganin nila sa muling pagsasaayos ng mga paaralan.

Maliban naman dito, may gagawin ding outreach program ang DPWH sa unang pagkakataon kung saan mamimigay sila ng mga gamit sa eskwela para sa mahihirap na mag-aaral.

Sa Lunes ay haharap ang DPWH at ang DepEd sa media para mailahad ang plano ng mga ito sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.

Follow SMNI News on Twitter