Pagtugis sa umano’y armadong grupo ni Cong. Arnie Teves, paiigtingin pa ng PNP

Pagtugis sa umano’y armadong grupo ni Cong. Arnie Teves, paiigtingin pa ng PNP

NILINAW ng Philippine National Police (PNP) na tuloy ang kanilang pagtugis sa umano’y private armed groups (PAGs) ni Cong. Arnolfo “Arnie” Teves, Jr.

Hindi apektado at walang magbabago.

Ganito tiniyak ng PNP ang kanilang kampanya kontra (PAGs) sa bansa.

Ito’y matapos na ideklara ng Anti-Terrorism Council (ATC) si Rep. Negros Oriental Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves, Jr. at 12 iba pang personalidad bilang mga terorista.

Batay sa Anti-Terrorism Council Resolution 43, idineklara si Teves bilang lider ng isang terrorist group.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP-PIO chief Police Brigadier General Redrico Maranan na walang magbabago sa kampanya ng PNP laban sa PAGs sa bansa.

Ayon kay Maranan, ipatutupad nila ang agresibo at tapat na law enforcement operations laban sa PAGs.

“The policy and the campaign will still be the same. The campaign against private armed groups will continue thru aggressive and honest law enforcement operations,” ayon kay PBGen. Redrico Maranan, Chief, PNP-PIO.

Matatandaang, itinuturo din ang grupo ni Teves na umano’y nasa likod ng mga karahasan sa Negros Oriental kabilang na ang pagpatay kay Governor Roel Degamo at 8 iba pa.

Iginiit ng ATC na lumikha ng takot ang aktibidad ng grupo ni Teves na lubhang nakaapekto sa pamumuhay ng mga mamamayan.

Pero sa panig ni Teves, pinabulaanan lamang nito ang desisyon ng ATC laban sa kaniya.

“Seriously there is no such thing as Teves terrorist group. Ganoon lang katanga at kastupido ang statement na ganoon,” ayon kay Rep. Arnie Teves, Negros Oriental 3rd District.

Matataas na kalibre ng armas, nasamsam ng PNP sa 1 noturyos na Kidnap for Ransom Group na nambibiktima sa Luzon

Sa kabilang banda, patuloy ang paalala ng PNP sa publiko na agad makipag-ugnayan sa kanilang mga himpilan kung may namamataang kahina-hinalang kilos ng isang indibidwal o grupo para maaksiyunan at mapigilan ang posibleng karahasang o krimen na dala ng mga ito.

Nito lamang nakaraang araw nang iprinisenta ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang karagdagang ebidensiya laban sa nahuling si Ramil Madriaga na kinilalang lider ng isang noturyos na Kidnap for Ransom Group sa bansa, ang Madriaga Group.

Nasamsam kay Madriaga at mga kasamahan nito ang panibagong iba’t ibang uri ng de kalibreng mga armas na pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na operasyon sa iba’t ibang panig ng Luzon.

Ayon kay PNP-AKG director PBGen. Rodolfo Castil, Jr., inaalam pa nila kung kanino konektado ang grupong ni Madriaga lalo na at papalapit na ang lokal na halalan ng Barangay Officials at Sangguniang Kabataan sa darating na Oktubre.

Pinag-iingat din ng PNP ang lahat laban sa mga nagpapanggap na grupo o mga hindi lehitimong ahensiya na nag-aalok ng security details gaya ng security guards at iba pang private security personnel.

Batay sa rekord ng PNP, may kani-kaniyang modus ang mga grupong ito para mambiktima kaya naman payo ng pulisya, makipag-usap lamang sa mga licensed agencies upang maiwasang maging biktima ng modus ng grupo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble