Pamamahagi ng fuel subsidy ngayong linggo, posibleng maantala pa—LTFRB

Pamamahagi ng fuel subsidy ngayong linggo, posibleng maantala pa—LTFRB

INIHAYAG ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na nakatakda sana ngayong linggo hanggang sa susunod na linggo ang distribusyon ng P6,500 na fuel subsidy para sa mga tsuper at operator.

Pero, posibleng maantala matapos hilingin ng Department of Budget and Management (DBM) sa LTFRB ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa pamamahagi ng nasabing ayuda.

Nais malinawan ng ahensiya kung bakit hinahanapan pa sila ng IRR na hindi na ito ang kauna-unahang pagkakataon na mamahagi sila ng tulong-pinansiyal.

Kaya, hihiling si Guadiz sa DBM ng joint meeting kasama ang Department of Transportation (DOTr) para maliwanagan.

Sa oras na ipagpupumilit ng DBM ang panghihingi ng IRR, posibleng mas matatagalan pa ang LTFRB sa distribusyon nito.

Gayunpaman, sisikapin pa rin ng LTFRB na maibigay sa mga public utility vehicle driver ang fuel subsidy bago matapos ang buwan ng Agosto.

Aabot sa P2.9-B ang pondong inilaan ng pamahalaan na tulong sa ilalim ng Fuel Subsidy Program dahil sa linggu-linggong taas-presyo sa produktong petrolyo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble