MARIING kinondena ng National Security Council (NSC) ang panibagong insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal ngayong araw.
Sa ulat ng NSC, nangyari ang insidente kaninang alas-7:30 ng umaga nang gamitan ng water cannon ng CCG Vessel 5203 ang resupply vessel M/L Kalayaan.
Habang nagsagawa rin ng mapanganib na pagmaneobra ang rigid-hull inflatable boats ng China sa loob ng lagoon sa Ayungin Shoal upang pigilan ang M/L Kalayaan at Unaizah May 1 na maabot ang BRP Sierra Madre (LS 57).
Sa kabila ng pangha-harass ng China, naging matagumpay ang resupply mission ng dalawang barko sa mga tropa ng gobyerno sa Ayungin Shoal.
Ayon sa NSC, nagiging kaduda-duda ang sinseridad ng China sa kanilang panawagan na magkaroon ng mapayapang pag-uusap sa isyu dahil sa ilegal at iresponsableng aksiyon nito sa West Philippine Sea.
Muli ring nanindigan ang NSC na patuloy na itinataguyod ng Pilipinas ang rules-based international law sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.