LIBU-libong overseas Filipino workers (OFWs) at kasapi ng kanilang pamilya ang nakiisa sa 12th OFW and Family Summit na ginanap sa The Tent sa Las Piñas City.
Tema ng summit sa taong ito ang “Masaganang Kabuhayan Para sa OFWs and Families.”
Nagbukas ang summit sa ribbon cutting ceremony na pinangunahan ng Villar Family.
Nagbigay ng welcome address si House Deputy Speaker Camille Villar samantalang si Sen. Mark Villar ang nag-deliver ng special message.
Sa kaniya namang inspirational message, sinabi ni dating Senate President Manny Villar na importanteng ipagpatuloy natin ang suporta sa OFW sector.
Ipinahayag naman ni Sen. Cynthia Villar na ang taunang summit ang paraan ng pamilya para ipakita ang kanilang pasasalamat sa ating OFWs sa malaking tulong upang mapanatiling matatag ang ating ekonomiya sa kabila ng global crisis.
“We also want to help and guide our migrant workers in wisely investing their hard-earned money from abroad,” giit pa ng senador na kilalang advocate ng OFWs.
Nagwagi si Lorean Policarpion, maybahay ng isang OFW na nagtatrabaho sa Saudi Arabia ng grand prize na Camella house sa idinaos na raffle draw.
Nag-uwi rin ang iba pang lucky winners sa draw ng iba’t ibang appliances, sari-sari store showcase, at motorcycle.
Bukod sa mga premyong napanalunan, nakakuha rin ang mga dumalo sa summit ng kaalaman para sa kanilang higit na proteksiyon habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Meron ding resource persons bilang panelists na tumalakay sa mga paksang digital earning at investment at entrepreneurship.
Nagkaroon din ng dialogue sa concerned government officials na sina Department of Migrant Worker OIC Atty. Hans Leo Cacdac, DFA Usec. Atty. Eduardo Jose de Vega, OWWA Administrator Arnell Ignacio, DOJ-Senior Assistant Prosecutor Atty. Josyli Tabajonda and Maritime Industry Authority (MARINA) Director, Luisito de Los Santos.