Panel of prosecutors na tututok sa murder complaints sa Lapid/Villamor case, buo na – DOJ

Panel of prosecutors na tututok sa murder complaints sa Lapid/Villamor case, buo na – DOJ

PINAGSAMA na ang lahat ng mga murder complaints sa pagkamatay ng brodkaster na si Percy Lapid at middleman na si Jun Villamor.

Ito ang kinumpirma ngayong araw ni Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla.

Mayroon na ring nabuong panel of prosecutors ang DOJ para dito ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento.

Pangungunahan ito ni Deputy State Prosecutor Olivia Torrevillas kasama sina Senior Assistant State Prosecutors na si Josie Christina Dugay at Charlie Guhit.

Kasama sa mga nasampahan ng murder complaints ng PNP at NBI ay sina suspended BuCor chief Director-General Gerald Bantag, BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta, at ilang inmates sa Bilibid na umano’y dawit sa pamamaslang.

Samantala, patuloy naman ang panawagan ni Remulla kay Bantag na maghain na ng counter affidavit sa double murder complaints na kinahaharap nito.

Hirit nito kay Bantag, wag magdrama sa media at harapin ang mga reklamo sa piskalya.

Nanatiling nasa bansa ang suspended BuCor chief ayon sa kalihim.

“Ang report sakin ay nandidito pa sa Pilipinas. He’s thinking his options on whether he will or not face the music. Kasi ang mahalaga dito talaga harapin niya ang katotohanan. Sagutin niya ang mga demanda, wag siyang magdrama sa media. Sagutin niya ang mga demanda para tingnan natin ang lagay ng kaso niya kasi nauuna ang pabida bida sa media. Hindi tayo dapat ganun eh,” saad ni Sec. Remulla.

Sakali aniyang hindi pa rin haharap sa mga awtoridad si Bantag at nakitaan ng probable cause ang mga reklamo laban sa kaniya ay maaring magawaran na ito ng arrest order.

“Pag hindi siya sumagot, at may probable cause, ifafile na yan sa korte, pag nasa korte yan, mag iissue na ng warrant of arrest ang korte,” dagdag pa ni Remulla.

Sa tanong naman kung makakabalik pa sa posisyon si Bantag kapag ito ay naabswelto sa mga reklamo laban sa kaniya.

Ito ang naging sagot ni Remulla.

 “That’s not for me to decide. Sa appointing authority natin yan. We retained him from the past because we thought, he could still a big help for us. Pero with what’s happening now, on the contraband investigation, I think we have to take a closer look at his fitness to office kasi nga nakita natin, may naglalabasan na di dapat nangyayari sa loob ng New Bilibid Prison,” paliwanag ni Remulla.

Sa ngayon ay pinamumunuan ni dating AFP chief of staff Gregorio Catapang ang BuCor.

 

Follow SMNI News on Twitter