Panelo: Pagkulong kay FPRRD sa ICC, isyu ng kasarinlan ng bawat Pilipino

Panelo: Pagkulong kay FPRRD sa ICC, isyu ng kasarinlan ng bawat Pilipino

NAGPAKITA ng matinding puwersa ang mga taga-Davao City bilang pagsuporta kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

At hindi lang sa Davao nagaganap ang ganitong eksena—mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao hanggang sa iba’t ibang bahagi ng mundo kung saan may Pilipino, makikita ang mga motorcade, candle lighting, picket protest, at prayer rallies.

Ayon kay Atty. Salvador Panelo, dating Chief Legal Counsel ni Duterte, hindi na mapipigilan ang lumalawak na kilos-protesta dahil ang pagkakakulong ng dating Pangulo sa The Hague, Netherlands ay higit pa sa isyu ng Duterte at Marcos—ito ay isang usapin ng soberanya ng bansa.

“Hindi lamang ang mga supporters ni dating Presidente Duterte ang lumabas at nanindigan. Bakit ka niyo? Sapagkat hindi na po ito isyu ng mga Duterte. Ito’y isyu ng soberanya—kasarinlan ng bansa!” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Former Presidential Chief Legal Counsel.

Mariing iginiit ni Panelo na ilegal ang naging hakbang ng administrasyong Marcos Jr. sa pagsuko ng isang kapwa Pilipino sa kamay ng dayuhang hukuman.

Pero sa kabila nito, isang bagay umano ang naging malinaw—ang pagkakaisa ng mga Pilipino.

Maging ang mga dati nang bumabatikos kay Duterte, ngayon ay nagsasalita na rin—hindi dahil sa pagkatao ng dating Pangulo, kundi dahil sa prinsipyo ng isang malayang Pilipinas.

“Si Duterte ay naging simbolo lamang kung papaano isinusuko ng bansang Pilipinas sa pamamagitan ng gobyernong ito sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ang pagsuko sa soberentiya!” dagdag ni Panelo.

Giit ni Panelo, walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas sapagkat matagal nang kumalas ang bansa dito.

At may mahalagang mensahe siya sa bawat Pilipino—

“Kaya lahat ng tao, kayo man ay in agreement with Duterte or in disagreement with Duterte, you must remember that you are a Filipino Citizen and your country through your government has surrendered the sovereignthy which we have given to these officials. Kaya kailangan mag-react kayo. Ki kayo’y kumporme kay Duterte o hindi kayo kumporme kay Duterte sapagkat ang isyu ngayon ay ang bansa. ang pagsuko sa soberanya ng ating bansa,” aniya.

Habang patuloy ang mga protesta at panawagan mula sa iba’t ibang panig ng mundo, nananatiling sentro ng usapin ang soberanya ng Pilipinas at ang mga susunod na mangyayari habang nasa kamay ng mga dayuhan sa ICC si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa gitna ng mainit na diskusyon, inaabangan ngayon ang susunod na hakbang ng Korte Suprema at iba pang kinauukulang ahensya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble