NAGPOSITIBO sa COVID-19 si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ito ang inanunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong 12 midnight ng Disyembre 5.
Base sa medical advice, mananatili si Pangulong Marcos sa isang ‘period of isolation’ sa loob ng limang araw.
Gayunpaman, inihayag ng PCO na nananatiling ‘fit’ ang Pangulo na gampanan ang kaniyang mga tungkulin at ipagpapatuloy ang kaniyang mga nakatakdang pagpupulong sa pamamagitan ng teleconference.
Ito ang ikatlong beses na nagpositibo sa COVID-19 si Pangulong Marcos Jr.
Una siyang nahawa sa sakit noong 2020, ilang sandali matapos na unang matukoy ang coronavirus sa Pilipinas.
Noong 2022, muling nagkasakit ng COVID-19 si Marcos Jr., ngunit nagkaroon lamang ng mas banayad na pakikipaglaban sa virus.
Noong Hulyo ngayong taon, inalis ni Pangulong Marcos ang State of Public Health Emergency sa buong Pilipinas na dulot ng COVID-19.
Sa dagdag pang detalye mula sa PCO, hinikayat anito ni Pangulong Marcos ang publiko ngayong Kapaskuhan na mag-ingat upang mapangalagaan ang kalusugan, tulad ng pagbabakuna at boluntaryong pagsusuot ng mask kapag pumapasok sa mga matataong lugar.
Pinakahuling aktibidad na dinaluhan ng Pangulo ay ang pagdiriwang ng ‘Family Day’ ng Office of the President (OP) sa Malacañang Grounds.
Nitong Disyembre 2, kung saan nagbigay siya ng talumpati at nakipaghalubilo sa mga kawani ng OP at kanilang mga pamilya.
Samantala, sa huli, ay tiniyak naman ng PCO na ilalabas nito ang update patungkol sa kalusugan ni Pangulong Marcos kung itoy available na.