Pangulong Duterte, pinayuhan ang nagtapos sa PNPA na gawin ang tama

Pangulong Duterte, pinayuhan ang nagtapos sa PNPA na gawin ang tama

PINAYUHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) na gawin ang tama at sundin ang boundary ng legal parameters.

Inilabas ang mensaheng ito ni Pangulong Duterte sa harap ng Alab-Kalis Class of 2022 ng PNPA na nagtapos nitong Abril 21.

Hinimok ng Punong-Ehekutibo ang PNPA graduates na panatilihin ang kanilang propesyonalismo sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin nang hindi kumikilos nang lampas sa kanilang mga legal na parameter.

Ginawa ng Chief Executive ang naturang panawagan kasunod ng pagkilala nito sa mga pulis sa pagiging forefront o nangunguna sa paglaban sa iligal na droga, kriminalidad, at terorismo sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Umaasa naman si Pangulong Duterte na mapapanatili ng bagong graduates ang parehong antas ng katapangan, determinasyon at pagmamalasakit sa gitna ng kanilang pagiging kaisa na sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire and Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Muli ring ipinahayag ng Pangulo ang kanyang pagmamahal sa mga pulis na tumutulong na mapanatili ang ‘law and order’ sa bansa sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Nagpahayag din ng kahandaan ang Pangulo na magbigay ng legal assistance sa mga pulis kahit pa matapos ang kanyang termino sa Hunyo.

Ito ay basta’t ginawa ng mga ito ang kanilang tungkulin na naaayon sa batas.

Pagkatapos ng kanyang talumpati, nag-isyu ng kautusan si Pangulong Duterte na bigyan ng pardon ang PNPA cadets na mayroong outstanding punishments at demerits.

Samantala, inanunsyo rin ni Pangulong Duterte na ang ‘Alab-Kalis Class’ graduating valedictorian na si Cadet Ernie Alarba Padernilla na nagmula sa Passi City, Iloilo, ay makatatanggap ng house and lot mula sa gobyerno.

Nakatanggap din si Padernilla ng Presidential Kampilan, Chief PNP Kapilan, Best in Forensic Science Award, at  Best in Thesis Award.

Mababatid na pinangunahan ni Pangulong Duterte ang ika-43 Commencement Exercises ng PNPA for Bachelor of Science in Public Safety (BSPS) ‘Alab-Kalis’ Class of 2022.

Mayroong 229 graduating cadets ang Alab-Kalis o ‘Alagad ng Batas na Kakalinga sa Sinilangang Bayan’.

Sa naturang bilang ng nag-graduate ngayong taon, 206 ang papasok sa PNP, 12 sa BJMP, at 11 graduates ang lalahok sa BFP.

Ginanap ang naturang event sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite nitong Huwebes, Abril 21.

Follow SMNI News on Twitter