IPINAHAYAG ng Department of Budget and Management (DBM) na ang panukalang 2024 national budget ay naglalayong palakasin ang purchasing power ng publiko.
Ito’y sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at epekto ng mga nagdaang kalamidad.
Sa isang press briefing sa Malacañang, tinalakay ng principal economist ng DBM na si Joselito Basilio ang mga pagsisikap ng gobyerno na palakasin ang purchasing power ng publiko na kinabibilangan ng pagtugon sa food sufficiency at pagbabawas ng mga gastos sa logistik at transportasyon.
Ani Basilio, may pagtaas ng pondo para sa agrikultura at agrarian reform, kasama ang iba pang kaugnay na ahensiya sa ilalim ng Department of Agriculture (DA).
Dagdag pa ng opisyal, makikita ang pagbawas ng logistics at transport costs sa railway projects at iba pang mga hakbangin sa sistema ng transportasyon sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang mga pagsisikap na ito ay naglalayong i-streamline ang daloy ng mga produkto at serbisyo sa loob ng bansa at internasyonal, upang mabawasan ang inflationary impacts.
Ipinahayag din ni Basilio na kasama sa panukalang badyet ang social protection programs tulad ng livelihood initiatives upang tulungan ang mga mahihinang sektor na makabangon mula sa masamang epekto ng pandemya at inflation.