UMUSAD na ang panukalang batas na internet voting para sa mga botanteng Pilipino sa ibayong dagat.
Araw ng Martes nang makalusot na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang House Bill No. 6770 o ang panukalang nagbibigay-daan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at seafarers na magparehistro, tumanggap ng balota, at bumoto sa pamamagitan ng mga available na electronic means.
Si Mountain Province, Lone District, Cong. Maximo Dalog, Jr. na chairman ng komite ang humirit na aprubahan ang panukalang internet voting na agad namang sinang-ayunan ng mga miyembro nito.
Ang panukalang batas ay naglalayong amyendahan ang Republic Act 9189, kilala rin bilang ‘Overseas Absentee Voting Act of 2003’, na binago ng Republic Act No. 10590, kilala rin bilang ‘Overseas Voting Act of 2013’.
Sa ilalim ng mga batas na ito, ibinibigay sa mga overseas voters ang dalawang pagpipilian sa pagpapahayag ng kanilang karapatan sa pagboto, ngunit para lamang sa mga national elective position:
Una, ang pagboto nang personal sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas, o posts, sa kanilang host countries na katulad ng pagboto sa bansa; at, pangalawa ay ang postal voting, kung saan ipinapadala ng commission ang mga kahong naglalaman ng mga opisyal na balota at iba pang paraphernalia ng halalan direkta sa mga botante o sa mga post office.
Sa sponsorship speech ni OFW Party-List Cong. Marissa Del Mar P. Magsino na bukod tanging may-akda ng nasabing panukalang batas, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsama sa internet o electronic voting upang mas mapadali at hikayatin ang mga OFWs at overseas Filipinos na gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto.
“House Bill No. 6770 seeks to expand the voting methods available to overseas Filipino voters under existing laws to include internet or electronic voting through available technologies the COMELEC may deem appropriate, to provide greater ease and encourage our OFWs and overseas Filipinos to exercise their right of suffrage, with due regard to protecting their privacy and the sanctity of the ballots in the process,” ani Magsino.
Dagdag pa ng mambabatas na malaking tulong ito sa mga kababayang nasa abroad upang hindi na mahirapang bumoto.
“Definitely, para po sa lahat ito, sa seafarers, sa ating mga household service worker, sa mga skilled worker natin na nasa iba’t ibang bansa, ‘yung hindi po makakapunta sa mga embassy at mga consulate natin. Ito na po ang pamamaraan para mapabilis ang kanilang pagboto at huwag na pong maging dahilan ang pagkakawala nila sa trabaho. Ilang oras na pagbabiyahe para makarating sa ating embahada o konsulado at ganun din po, tiyak na hindi na rin po sila mapaparusahan ng kanilang mga employer pag sila’y absent dahil sa ating pagboto po,” ani Magsino.
Sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), sa tinatayang 12 milyong overseas Filipinos, tanging 1.69 milyon ang nagparehistro upang bumoto sa nakaraang 2022 elections, at tanging mga 600,000 o 37.5% ang aktwal na bumoto. Dagdag pa nito, gumastos ang COMELEC ng 411 milyong piso para sa layuning ito.
Kaya naman upang matugunan ang nasabing problema, nagpahayag ng pagsuporta si COMELEC chairman George Garcia na isama ang internet voting sa darating na 2025 elections.
“So ang hope po natin dito, mas makatipid at the same time mas madami ang magpaparehistro at mas madaming boboto na mga kababayan natin. Mas ma-eencourage po sila lalo na ‘yung mga seafarers po na nasa naglalayag habang nagbobotohan.”
“And so we are very supportive. Fully supportive of this legislative initiative,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Pagdating naman sa isyu ng transparency, ito naman ang pagtitiyak ng COMELEC chairman.
“Mr. Chair, napakadami po at napakaganda ng presentation na binigay sa amin ng walo na mga possible na suppliers po ng system para po sa internet voting. Ang pinakaimportante po is number one, masiguradong, boboto siya mismo. Number 2 masiguradong ‘yung boto niya maka-count, number 3 masiguradong ‘yung boto niya ay maka-canvass at masasama sa kabuuan otherwise we are going to disenfranchised the voter. Transparency po ang pinaka-importante and accountability. Transparency, accountability and security. Security of the votes. Hindi pepwedeng nakikita at nalalaman kung ano po ang boto ng ating mga kababayan natin abroad,” ayon pa kay Garcia.
Sa huli, umaasa si Cong. Magsino na sa lalong madaling panahon ay maipatutupad ang internet voting sa darating na 2025 elections.
“Pipilitin po natin na maisabatas ito sa lalong madaling panahon upang sa ganun ay maimplement ito sa 2025. I’m very thankful po sa ating mga colleagues sa Congress na buong suporta po na nagbigay dito po sa atin, sa House Bill 6770,” dagdag ni Magsino.