INAPRUBAHAN sa ikatlo’t huling pagbasa ang House Bill No.5 na aamyenda sa Urban Development and Housing Act of 1992.
Sa Monday session ng Kamara, 254 mambabatas ang bumoto pabor dito na tutulong sa informal settlers na magkabahay sa siyudad, malapit sa kanilang pangkabuhayan at hindi sa probinsya.
Sakop ng panukala ang pagkakaroon ng mekanismo sa pagitan ng public at private sector para sa In-City Housing Program.
Sa pamamagitan nito ay malapit lamang ang relocation sites sa hanapbuhay ng mga benepisyaryo dito sa siyudad.
“Ima-maximize po natin kung anong mga strategies ang meron tayo na would allow and would prioritize in-city or on-site resettlement program like for example yung mga lugar especially kung government locations siya no? Government lot kung saan nandun yung mga informal settler doon mismo ang magiging development nila,” ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
Ang panukalang batas ay isa sa priority bill nina Speaker Martin Romualdez at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez.
Nakasaad din sa panukala na gagawing last option ang Off-City Housing Program.
Magkakaroon din ng masinsinang konsultasyon sa mga apektadong pamilya.
Isa naman sa halimbawa ng In-City Housing Program na maaaring gayahin sa pagpapatupad nito ay ang Tondominium sa Maynila.
“Malaking bagay po ito kasi ito po ay magpo-provide ng mas long-term, mas sustainable sa totoo lang practical na pamamaraan especially for the housing of informal settlers no. Kasi malaking bagay ho na nakadudugtong natin at nakokonsidera natin ang mga trabaho at pangkabuhayan ng mga taong nililipat natin,” ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
Sa ilalim ng panukala, ang local government units ang aatasang magpatupad ng onsite o Near City Housing Program.
Katuwang nito ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Housing Authority (NHA), National Home Mortgage Finance Corp., Home Development Mutual Fund at Social Housing Finance Corp.
Umaasa naman ang Kamara na susuportahan ng Senado ang nasabing panukala.
“Minsan ho nagiging balakid ho yung kawalan ng kabuhayan para makumbinsi po natin ang mga informal settlers natin na lumipat sa mga off-city resettlement areas. With this measure, were hoping and were hopeful that government will be able to integrate plans for in-city resettlements especially our local governments,” aniya pa.