ISINUSULONG ngayon sa Senado ang pagbura sa mga utang na bayarin sa lupa ng mga magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARB).
Sa ilalim ng isinusulong na panukala ngayon na debt condonation o pagbubura ng utang, maaari nang magkaroon ng titulo ang isang magsasaka at magagamit na nito ang kanyang lupa bilang collateral.
Kung ikukumpara ang panukala sa kasalukuyang batas, may obligasyon pa ang ARB na bayaran ang taunang 6% interest ng kanilang lupa sa loob ng 30 taon batay sa Land Reform Law.
Subalit sa katunayan ayon kay Sen. Cynthia Villar, ang chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, 17% lang dito ang nakakapagbayad ng kanilang amortization.
Ibinahagi pa ni Sen. Villar na natetengga nga lang ang ilan sa mga ipinamahaging lupa dahil walang kapital ang mga magsasaka para magamit sa pagtatanim.
Dahil sa kawalan ng kapital, dagdag nito, ang ibang mga lupa ay iligal nang pinapaupahan habang ang iba ay nakatiwangwang na lang.
Wala namang tutol sa panukala ang DAR at ayon pa ni DAR Usec. Luis Meinrado Pangulayan, malaking tulong ito sa mga magsasakang nalubog sa utang.
Ang Land Bank ay suportado rin ang panukala.
Kung maging batas, ang condonation ay aabot sa 57 billion pesos na pakikinabangan ng 674,602 agrarian reform beneficiaries.