Partisipasyon ni PBBM sa ASEAN-Japan Commemorative Summit, matagumpay; PBBM, nakauwi na ng bansa

Partisipasyon ni PBBM sa ASEAN-Japan Commemorative Summit, matagumpay; PBBM, nakauwi na ng bansa

NAKABALIK na ng bansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., mula sa kaniyang paglahok sa ASEAN-Japan Commemorative Summit sa Tokyo, Japan.

Ang Pangulo at ang kaniyang delegasyon ay dumating sa Pilipinas alas-10:38 ng gabi ng Lunes.

Sa kaniyang arrival statement sa Villamor Air Base sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Marcos na nakapag-uwi ang Philippine delegation ng dagdag investment pledges mula sa miting kasama ang Japanese business community.

“My Administration will see to it that our constructive engagements with ASEAN, our external partners, our stakeholders continue to best serve our national interest,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

PBBM, nakakuha ng dagdag na P14.5-B investment pledges mula sa Japan trip

Dagdag P14.5-B na halaga ng mga pamumuhunan ang inaasahang magbibigay ng mahigit labing limang libong (15,750) trabaho para sa mga Pilipino.

Resulta ito ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. sa Japan ngayong Disyembre.

Nilagdaan ang siyam na bagong memorandum of understandings (MOUs)—na may kabuuang halaga na PhP14-B.

Ito ay mula sa siyam na Japanese companies na nagpahayag ng kanilang intensiyon na mamuhunan sa bansa.

Kabilang sa mga sektor na tatanggap ng mga bagong investment ang industriya ng imprastraktura, business process outsourcing (BPO), retail, at electronics and ship manufacturing.

Saklaw rin sa mga pamumuhunan na ito ang hanay ng semi-konduktor, pangangalagang pangkalusugan, at agrikultura.

Sinabi ng Pangulo na ang ilan sa investment pledges ay extension lamang ng business deals na pinirmahan niya sa kaniyang naunang pagbisita sa Japan noong Pebrero.

Sambit ni Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go, mahigit sa 20 kompanya ang nagbigay ng updates sa Pangulo ng kanilang mga pangako mula sa kanyang Japan trip noong Pebrero.

Kaugnay dito, sinabi ni Go na umaani na ngayon ang Pilipinas ng bunga ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan ngayong buwan at sa Pebrero ng taong kasalukuyan.

Ani Go, ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan ay nagkaroon ng aktuwal na pamumuhunan na humigit-kumulang P169-B, as of December ngayong taon.

“Japanese investors directly reported over 169.7 billion pesos of capital funneled into the Philippine economy,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Ang commitments na ito ay nakabuo ng 9,700 bagong trabaho sa Pilipinas.

Inihayag ni Pangulong Marcos na ang interes ng Japan sa pakikipagnegosyo sa Pilipinas ay tiyak na makatutulong upang makamit ang mutual economic growth sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang Commemorative Summit ay para sa 50th Anniversary ng ASEAN-Japan relations, kung saan nakipagpulong ang Pangulo sa mga lider ng ASEAN.

Isinulong ni Pangulong Marcos Jr. sa naturang summit ang mga interes ng bansa.

“We also discussed how Japan’s role in ASEAN and individual states’ economies have progressed over the past five decades particularly in our shared commitment towards peace and security, trade and investment, food security, climate action, energy security, supply chain resilience, infrastructure development, and connectivity,” ani Pangulong Marcos.

Sa Creative and Sustainable Economy Through Innovation Event ng DTI, sinabi ni Pangulong Marcos ang layuning palakasin ang kolaborasyon ng Filipino at Japanese artists.

Nakasama naman ni Pangulong Marcos sa bilateral meeting si Japanese Prime Minister Fumio Kishida at sa isang miting sa sidelines ng nasabing summit si Vietnamese PM Pham Minh Chinh.

Bahagi rin sa paglalakbay ng Pangulo ang paglagda sa dalawang Memoranda of Cooperation (MOC), isa sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Ministry of the Environment ng Japan sa larangan ng pangangalaga sa kapaligiran at ang isa sa pagitan ng mga coast guard ng ang Pilipinas at Japan.

Sa huling araw ng summit, dumalo ang Pangulo sa Asia Zero Emissions Community (AZEC) Leaders’ Meeting.

Ipinahayag ni Pangulong Marcos ang mga hakbang ng Pilipinas para sa malinis na enerhiya.

Inanyayahan ng Punong Ehekutibo ang mga miyembro ng AZEC na mamuhunan sa renewable energy ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble