NAHAHARAP sa 2 libong dolyar na multa ang isang pasahero mula sa Indonesia na nagbyahe tungo sa Australia dahil sa iligal na pagpupuslit ng McDonalds meal sa backpack nito.
Isang manlalakbay mula Indonesia na dumating sa Australia ang pinagmulta ng aabot sa 2 libong dolyar matapos ma-detect ng border guards ang dalawang Mcmuffins at isang ham croissant na nakalagay sa backpack nito.
Naamoy ng biosecurity detector dog na si Zinta ang hindi idineklarang egg-and-meat meal sa Darwin Airport na nagdulot naman ng napakamahal na multa para dito.
Ayon sa Australian Agriculture Minister na si Murray Watt, ito na umano ang pinakamahal na McDonalds meal na posibleng bayaran ng naturang pasahero.
Matatandaan na ang Australia ay mayroong hyper-stringent biosecurity na mga batas na nakadisenyo para protektahan ang malaking industriya ng agrikultura ng bansa mula sa imported na peste at mga sakit.
Sa ngayon nakaalerto ang mga awtoridad matapos maiulat ang outbreak ng foot and mouth disease sa Indonesia kaya ang lahat ng imported meat mula sa nasabing bansa ay sumasailalim ngayon sa screening.