Pastor ACQ, kinuwestiyon ang pag-usisa ni Sen. Koko Pimentel sa budget ng NTF-ELCAC

Pastor ACQ, kinuwestiyon ang pag-usisa ni Sen. Koko Pimentel sa budget ng NTF-ELCAC

KINUWESTIYON ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang naging pag-usisa ni Senador Koko Pimentel sa budget ng National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay Pimentel, bakit hindi na lang ibigay sa ibang ahensiya ng pamahalaan ang nasabing pondo tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) o sa Department of Labor and Employment (DOLE).

“Tingnan ni Senator Koko Pimentel sa panahon ni Pangulong Duterte kung ano ang resulta ng NTF ELCAC. Maganda ba o hindi? Gustung-gusto ba ng mga tao o hindi? Dumiretso ba agad agad sa Barangay Development Project o hindi? Kasi kung susundin ang sinabi mo, Senator Koko Pimentel, ito padadaan dito, dadaan doon DPWH, blah, blah, blah…ang troso ay magiging toothpick, for your information. Oh, pero ito bakit ginawang ganito, ay hindi ako nagtuturo sa iyo, dapat senador ka, dapat alam mo iyan,” pahayag ni Pastor Apollo.

Nilinaw ng butihing Pastor na kung may naging isyu man ng corruption ang NTF-ELCAC ay ipakita nila dahil nababawasan lamang ang magiging pondo kung idadaan sa ibang ahensiya.

“Ito, napatotohanan na, diretso kaagad doon sa barangay. Meron bang issue ng corruption na yung taga NTF ELCAC? Kung meron, ipakita ninyo. Tingnan mo ang resulta. Bago mo harangan na ganito’t ganun, tingnan mo ang resulta. Yun ngang 23 billion dapat iyon ang ibalik eh,” ayon sa butihing Pastor.

Pinaliwanag ni Pastor Apollo ang kahalagahan ng budget ng NTF-ELCAC dahil hindi na kailangan pang gumastos nang malaki para masugpo ang mga rebeldeng grupo sa mga pamayanan at diretso ang development.

“Nung nagkaroon ng ganyan kita mo ang resulta, nagsukuan ang lahat. Magkano ang lahat kaysa gagasto ka pa para itong mga ulupong na ito habulin mo, patayin mo, o kaya bombahin mo, ang mamahal ng mga bomba natin. Magagasto ka pa ng mga tao, ng mga sundalong mamamatay sa kanilang mga IED, o, bobombahin mo iyan kung missile ang gagamitin mo, 11 million ang missile,” ayon kay Pastor Apollo.

“Oh, tingnan ninyo, ang security expenses natin sa pagdedepensa sa mga barangay natin para ang mga ulupong na ito ay hindi makapanalasa doon, ang laki. Sobra pa iyan sa ibibigay ninyo. Pero pag ganun, walang bala, walang putok. Kaagad-agad, development,” dagdag ni Pastor Apollo.

Samantala, pinuri naman ni Pastor Apollo ang pagsuporta ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa NTF-ELCAC dahil sa malaki at marami ang naitutulong nito sa mga malalayong barangay tulad ng mga pailaw, paglalagay ng mga health centers, imprastraktura at iba pa.

“Tama si Senate President Juan Miguel Zubiri na taga-Bukidnon. Nakita rin niya ang liwanag. Kasi noon, isa rin ‘to sa medyo gumanon eh, kaibigan ko pa naman itong si Senate President. Ngayon, naliwanagan na siguro siya kaya suportado niya ang NTF-ELCAC.  So, huwag ka nang humarang-harang diyan. Support ka na lang,” ayon pa ng butihing Pastor.

Kaya naman hiling ng butihing Pastor na suportahan na lamang ang programa ng NTF-ELCAC.

Follow SMNI NEWS in Twitter