NAGKULAY-LILA at napuno ng #53 ang Ynares Sports Arena sa Pasig City nitong Martes, ang pangunahing venue ng unang Nationwide Proclamation Rally ng isang senatorial candidate sa kasaysayan ng 2025 elections sa bansa.
Habang isinasagawa ang rally sa Pasig, sabay-sabay rin itong ginanap sa iba’t ibang lungsod sa buong Pilipinas, kabilang ang San Fernando, Pampanga; Casiguran, Sorsogon; Liloan, Cebu; Ormoc City, Leyte; Bacolod City; Iloilo City; Dipolog City; Koronadal City; Cagayan de Oro City; Butuan City; Digos City; Tagum City; at Davao City.
Libu-libong Pilipino ang dumagsa sa mga venue upang ipakita ang kanilang suporta sa kandidatura ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Kasama sa pagtitipon ang ilang senatorial candidates ng PDP-Laban, kabilang sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Jimmy Bondoc, at Atty. Raul Lambino, na naghayag ng kanilang tiwala kay Pastor Apollo at sa kaniyang mga adbokasiya para sa bansa.
Dumalo rin sa proclamation rally si PDP-Laban Vice President for Visayas at Cebu City Mayor Mike Rama.
“Kailangan natin si Pastor #53 Quiboloy sa Senado. Kailangan natin ng taong totoo, taong may puso, taong who will convert like all of you,” ayon kay Mayor Mike Rama, Cebu City.
Dumalo rin si dating National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) Chairman at senatorial candidate Allen Capuyan.
Ilang party-list groups din ang nagpahayag ng suporta kay Pastor Apollo, kabilang ang EPANAW Sambayanan, Pwersa ng Pilipinong Pandagat, Duterte Youth, Ang Bumbero ng Pilipinas, Gabay, Bisaya Gyud, at Maagap Party-list.
Matagumpay na nationwide kick-off rally ni Pastor Quiboloy, “nakakapanindig-balahibo”—Political Strategist
Dahil sa tagumpay ng unang Nationwide Proclamation Rally ng isang senatorial candidate, bumilib ang political strategist na si Malou Tiquia.
Ayon kay Tiquia, kahanga-hanga ang lawak ng suportang natanggap ni Pastor Apollo sa kabila ng mga hamong kaniyang kinakaharap.
“Kayo ang una sa kampanyang ito na nakagawa ng nationwide kick-off at tumaas ang balahibo ko ‘pag tinitingnan ko kasi wala silang kandidato. Hindi nila kasama si Pastor Quiboloy, pero nagawa niyong mag-nationwide.”
“Kung gaano katibay ng KOJC at mga kasapi ni Pastor Quiboloy, ito na ‘yun, nakikita niyo kung gaano sila kalakas at nararamdaman ng buong Pilipinas na pinaglalaban natin nang kusa si Pastor Quiboloy,” saad ni Prof. Malou Tiquia, Political Strategist.
Pastor Apollo, ibinida ang mga programa’t panukalang batas para sa isang First-World Philippines
Sa kaniyang recorded message, muling binigyang-diin ni Pastor Apollo na ang kaniyang pagtakbo sa Senado ay isang espirituwal na misyon—at kung paano niya pinangunahan ang Kingdom of Jesus Christ, ganoon din niya pamumunuan ang bansa.
Iginiit niyang isang malinis at tapat na gobyerno ang kaniyang isusulong, na may zero corruption, zero waste, at walang pagnanakaw ng pera ng bayan.
“Kapag tayo ay nakahawak ng political power, gagamitin natin ito para sa kaayusan ng bansang Pilipinas. Makikita nila ang leadership ng isang Hinirang na Anak na walang korapsyon, walang away, at walang kaguluhan, kundi may malinaw na direksyon,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, Senatorial Candidate.
Bukod sa pagsugpo sa katiwalian, bahagi rin ng plataporma ni Pastor Quiboloy ang pagpapalakas ng ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapanatili ng kaayusan sa bansa.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng kaniyang hangaring gawing isang First-World country ang Pilipinas.
“Kalooban ng Ama na ako ay papapasukin dito sa magulong mundo ng pulitika upang magbigay ng direksyon, kaayusan, at pag-unlad sa bansang ito. Ang Pilipinas ay maaaring maging isang First-World country na zero ang corruption, malinis, walang basura, maganda, maayos ang esteros, coastal malinis, nagtatanim ng puno araw-araw,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Bukod sa Pilipinas, isinagawa rin ang Pastor Apollo C. Quiboloy for Senator Movement sa iba’t ibang bansa tulad ng Spain, America, Hong Kong, Italy, New York, at iba pang bahagi ng mundo.
Sa iba’t ibang panig ng daigdig, nagpahayag ng suporta ang Filipino community at ipinaabot ang kanilang kagustuhang pangunahan ang kilusan para mailuklok si Pastor Apollo C. Quiboloy sa Senado.