PINAYUHAN ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ si Senator Manny Pacquiao na manatili muna ito sa kanyang level.
Kasunod ito ng ginawang pahayag ng senador na diskontento ito sa mga hakbang ng pamahalaan sa pagharap sa mga usaping panlipunan ng bansa.
“Violation of protocols talaga ‘yan. ‘Pag sinabi mong nababagalan ka, parang you are acting as the President and Duterte is just one of your minions,” pahayag ni Pastor Apollo.
Tila hindi nagustuhan ni Pastor Apollo ang ginawang hakbang at pahayag ni Sen. Pacquiao matapos itong personal na sumulat kay US President Joe Biden para pakiusapan na mapabilis ang paghahatid ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Paliwanag ng senador, napilitan siya na sumulat kay US President Joe Biden, dahil nababagalan ito sa delivery ng mga COVID-19 vaccines sa bansa.
Giit ng senador na baka anya makatulong ang kanyang hakbang at pagbigyan tayo na mapaaga ang pagdeliver ng bakuna kontra COVID-19.
Paliwanag nito, hindi naman sa pinangungunahan niya ang Pangulo, nais lang daw niyang makatulong para mapahusay ang pagtugon laban sa pandemya.
Bukod dito, kinondena rin ng butihing Pastor ang pahayag ng senador kaugnay sa mabagal na tugon ng gobyerno sa bangayan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Pastor Apollo, isang malaking pagkakamali ang ginawa ng mambabatas na hindi nakikipag-ugnayan sa tanggapan ni Pangulong Duterte bago gawin ang isang bagay.
Giit pa ng butihing Pastor, maituturing na discourtesy ang desisyong ito ng mambabatas gayong dapat trabaho ito ng Punong Ehekutibo kung paano lulutasin ang mga isyu sa lipunan.
“Pag sinabi mong nababagalan ako, under mo ang president. Discourteous ka,” saad ni Pastor Apollo.
Lumalabas din ayon pa kay Pastor Apollo, na tila umaakto na ito bilang mas matalino sa pangulo ng bansa.
“So, ang nakikita natin dyan, you are acting as if you are the president already when you are not. Pagmamalabis ‘yun. Parang ikaw na ang naga-act na president ng ating bansa na hindi pa ikaw,” ayon kay Pastor Apollo.
Iginiit pa ng butihing Pastor na hindi sakop ng senador ang pangulo kaya wala itong karapatan na magsalita ng pagkadiskontento sa usapin ng bakuna o ng West Philippine Sea.
Tanging sa pangulo lang din dapat manggaling ang desisyon sa pakikipag-ugnayan nito sa usapin ng foreign relations at iba pang kahalintulad na polisiya sa ibang bansa.
“Pero kung sinabi mo ng nababagalan ka, sinabi mo sa staff mong nakapalibot sa’yo, under sa’yo, ‘yun karapatan mo ‘yun. Si President Duterte ang dapat kung meron man hininging tulong sa Amerika sa bakuna, siya ang dapat sumulat kay Biden, hindi ikaw,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Sa huli, muling pinayuhan ni Pastor Apollo si Pacquiao na kung balak man nito na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa susunod na eleksyon, mainam na ipakita muna nito ang respeto at pagsunod sa liderato ni Pangulong Duterte habang nananatili itong pinuno ng bansa at huwag itong siraan sa publiko.
Ani Pastor Apollo, maling estratehiya ito ng isang politiko.
“Kung gusto ka man maging pangulo ng Pilipinas, do not put in a negative image our president who is still sitting president. Don’t make him look like bad. He represents us all. ‘Yun ang masasabi ko doon,”dagdag ni Pastor Apollo.