PASADO alas siyete ng umaga ay lumapag na sa Bay 49 ng Ninoy Aquino International Airport Terminal-2 ang chartered flight ng Cebu Pacific Flight 5J 671 kung saan lulan ang panibagong batch o ika-9 na batch ng 1.5 milyong dosis ng Sinovac vaccine sa bansa.
Sa kasalukuyan, ito ang pinakamalaking batch ng Sinovac vaccines na binili ng Pilipinas sa China at sa bilang na ito ay umabot na sa mahigit 5 milyong dosis ng bakuna kontra COVID-19 ang dumating na sa bansa.
Kabilang sa mga sumalubong sa bakuna sina DOH Sec. Francisco Duque, Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, Presidential Protocol Chief Usec. Robert Borje, gayundin ang mga opisyal ng Office of the President at DOH officials.
Ang mga vaccines na dumating ay padadaanin sa proseso ng pag-disinfect bago isakay sa mga storage van.
At idederetso ito sa cold storage facility ng DOH sa Marikina City.
Matatandaan unang dumating sa bansa ang donasyong bakuna ng China, na nasa isang milyong dosis noong Pebrero 28 at Marso 24.
Sinundan ito ng nasa mahigit kalahating milyong dosis na bakuna ng AstraZeneca mula naman sa tulong ng COVAX facility noong Marso 4 at 7.
Marso 29 naman nang dumating ang isang milyong dosis na bakuna ng Sinovac na binili ng Pilipinas sa China.
Abril 11 at 12 nang dumating pa ang dagdag 1 milyong dosis ng biniling bakuna mula pa rin sa Sinovac.
Una na rin sinabi ni Inter Agency Task Force Chief Against COVID -19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na sa buwan ng Mayo inaasahan ang pagdating sa bansa ng nasa apat na milyong dosis ng bakuna kontra COVID-19.
Kabilang dito ang mga bakuna mula sa Russian made Sputnik V vaccines, Sinovac at Gamaleya.
Sa buwan ng Hunyo ang posibleng pagdating naman ang nasa 9-10 milyong dosis mula Moderna, Sinovac, Gamaleya, AstraZeneca at Pfizer sa COVAX.
Bukas, Mayo 8, inaasahan naman ang pagdating ng 2-milyong dosis ng AstraZeneca vaccine.
Inaasahan na mas marami pang deliveries ang darating sa buwan ng Hulyo at Agosto.
(BASAHIN:1.5-M dosis ng Sinovac vaccine, darating sa bansa bago matapos ang Abril)