PBBM at US VP Harris, nangakong palalakasin ang ugnayan sa digital inclusion, clean energy economy at security

PBBM at US VP Harris, nangakong palalakasin ang ugnayan sa digital inclusion, clean energy economy at security

NAGING mabunga ang pakikipag-usap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kay US Vice President Kamala Harris kasunod ng natalakay na mga mahahalagang isyu.

“We’re very, very happy to be here, to get this opportunity to speak with you and to have spoken with your President,” saad ni Pangulong Marcos.

Nakipagpulong sina Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos kina Vice President Kamala Harris at Second Gentleman Douglas Emhoff.

Ginanap ang meeting sa Number One Observatory Circle, U.S. Naval Observatory sa Washington, D.C. nitong Martes.

Parehong ipinangako nina Pangulong Marcos at VP Harris na palakasin ang mutually beneficial partnerships sa pagitan ng Manila at Washington.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapahusay sa seguridad, pag-promote sa digital inclusion at advancing ng clean energy economy para sa dalawang bansa.

Kaugnay dito, pinasalamatan ni Pangulong Marcos si Harris sa paglalatag ng groundwork para sa kaniyang pakikipagpulong kay Pangulong Joe Biden sa White House noong Lunes.

“And I think that has given us the very, very attractive opportunity to continue to strengthen the relationship between our two countries in the face — in the context of all of the difficulties and complexities, the rising tensions in our region and the world,” ayon kay Pangulong Marcos.

Pinuri naman ni Harris si Marcos sa kaniyang pamumuno at pagsisikap na bigyang-priyoridad ang mutual prosperity at security ng dalawang bansa.

Kasama rin ni Pangulong Marcos sa naturang pulong sina Speaker Martin Romualdez, Ambassador Jose Manuel Romualdez, Mrs. Maria Lourdes Romualdez, at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Unang nagkita ang dalawang lider noong November 2022 nang bumisita sa Pilipinas ang U.S. Vice President.

Pulong nina PBBM at US Pres. Biden kasama ang cabinet members, matagumpay na naidaos

Bago ang araw ng pagkikita nina Pangulong Marcos at Harris, ay nagkaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Marcos at President Biden sa White House nitong Mayo 1.

Pagkatapos ng nasabing pulong, nagdaos sina Pangulong Marcos Jr. at President Biden ng pinalawak na bilateral meeting sa White House

Kasama ang mga pangunahing Cabinet Secretaries ng dalawang bansa.

Saad ni Pangulong Marcos, matagumpay ang naganap na pulong kung saan napatatag nila ang relasyon ng dalawang bansa.

Binigyang-diin ng dalawang lider ang kanilang kasunduan na ipagpatuloy ang pagpapalawak ng pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa lahat ng ‘issues of common concern.’

PBBM, nakipagpulong sa iba’t ibang organisasyon at business leaders sa Estados Unidos

Bukod sa meeting kina Biden at Harris, ay nagkaroon din ng serye ng pagpupulong si Pangulong Marcos at Philippine delegation, sa iba’t ibang organisasyon, employer, at lider ng negosyo.

Ipinagmamalaking ipinahayag ng punong-ehekutibo na napanatili ng Pilipinas ang matatag na pakikipagsosyo sa mga ito.

Aniya, ang mga pagpupulong na ito ay nagbibigay daan para sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho para sa mga Pilipino, gayundin sa pagpapakita ng world class na talento at kadalubhasaan ng mga propesyonal na Pilipino.

Kaugnay dito, nakipagpulong si Pangulong Marcos sa pamunuan ng Moderna Inc. upang talakayin ang pamumuhunan nito sa bansa.

Ang Moderna Inc. ay isang kilalang kompanya sa larangan ng pharmaceutical at biotechnology na nakatuon sa mga mRNA vaccines.

Dagdag na trabaho naman ang bunga ng miting ni Pangulong Marcos kasama ang Atento, isang customer relationship services and business process outsourcing (CRM/BPO) provider, na magbubukas ng call center sa Iloilo Business Park, Madurriao, Iloilo.

Tinalakay rin ni Pangulong Marcos ang interes ng bansa sa nuclear power bilang alternatibong pagmumulan ng enerhiya kasama ang Ultra Safe Nuclear Corporation (USNC), isang kompanyang nangunguna sa nuclear technology.

Dagdag pa nito, muli ring nakipagpulong si Pangulong Marcos sa United States-Philippines Society (USPS) matapos ang kaniyang unang pakikipagtipon sa non-profit organization sa Pilipinas noong Enero.

Nakatutok ang USPS sa pagsulong ng kooperasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa negosyo at pamumuhunan.

Ito’y sa pamamagitan ng pag-organisa ng mga public forum para sa mga embahada ng dalawang bansa at iba pang kaugnay na grupo at ahensiya.

Samantala, ang Maxeon, isang global leader sa solar technology at innovation, ay tinitingnan naman ang posibilidad na mag-invest ng $900 million sa solar energy sa Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter