PORMAL nang itinalaga si dating Senate President Juan Ponce Enrile bilang Chief Presidential Legal Counsel.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa ni dating Senate President Enrile na ginanap sa Malacañang Palace nitong Hulyo 26, 2022.
Sa social media post ni Pangulong Marcos, nakasaad dito na buo ang tiwala nito sa kakayahan at karanasan ni Enrile bilang lingkod-bayan.
Sa pagkatalaga kay Enrile, umaasa ang Punong Ehekutibo na lalong mapabubuti ang pagbibigay ng legal assistance patungkol sa mga magiging aksyon ng administrasyon.
Hindi naman nagbigay pa ng karagdagang detalye ang Office of the Press Secretary kaugnay ng oath taking ni Enrile.
Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng pasasalamat si Enrile kay Pangulong Marcos sa pagkatalaga sa kanya bilang Chief Presidential Legal Counsel.
“I would like to publicly express my gratitude to the President for having appointed me as his Chief Presidential Legal Counsel,” pahayag ni Enrile.
Nagpasalamat din si Enrile sa First Lady sa pagbibigay sa kanya ng komportable at magandang opisina na malapit lang sa Office of the PRESIDENT.
“I would like to publicly express to the First Lady for graciously providing me with a comfortable and beautiful office in the Palace proper, very close to the office of the President,” ani Enrile.
Magugunitang inanunsyo ang nominasyon ni Enrile bilang Chief Legal Counsel noong Hunyo 17.
Si Enrile ay nagsilbi bilang senador sa apat na termino kasama na rito ang pagiging Senate President mula 2008 hanggang 2013.