PBBM, dapat patunayan sa publiko na ‘di gumagamit ng droga—FPRRD

PBBM, dapat patunayan sa publiko na ‘di gumagamit ng droga—FPRRD

HINDI si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang hahanap ng patunay kung positibo sa paggamit ng ilegal na droga si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ito ay nga matapos na hamunin ni House Speaker Martin Romualdez si dating Pangulong Duterte na maglabas ng ebidensiya para patunayan ang kaniyang mga akusasyon sa Pangulo.

Giit ni dating Pangulong Duterte, dahil nasa gobyerno naman si Pangulong Marcos, nasa kaniya ngayon ang responsibilidad na patunayan na siya ay inosente.

Kamakailan nga sa isang prayer rally, tinawag ni dating Pangulong Duterte si Pangulong Marcos na isang drug addict at gumagamit ng cocaine.

Noong siya nga aniya ay mayor pa ng Davao City, pinakitaan siya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng drug list kung saan naroon ang pangalan ng Pangulo.

“It is not me, who will prove. Hindi ako ang tumakbo ng public office. It is an accusation against him from the public. Bakit ko i-prove? It is for him to sit in Luneta Park, magpakuha siya ng dugo doon. Independent entity o doctor. Magpakuha din ako. Oh sige, pati ako. Pakuha siya ng blood test. ‘Yan, that is how it is the way it is to disprove,” dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“It is stupid for them to suggest that I prove it. I am not a public official,” aniya pa.

Hindi naman pumalag si Pangulong Marcos sa akusasyong ito pero bwelta niya, baka kaya nasasabi raw ito ni Duterte ay dahil sa Fentanyl.

PRRD, nilinaw kung bakit gumamit ng Fentanyl bilang pain reliever

Pero sabi ng dating Pangulo, ang Fentanyl ay reseta sa kaniya para maging pain reliever nang siya ay madisgrasya walong taon na ang nakakaraan sa kaniyang pangangampanya sa pagkapangulo ng bansa.

“Itong Fentanyl po, Mr. President, it is prescribed by the doctor, oh ito, Fentanyl patch. Parang ganoonin mo ‘yan, malaki man ‘yan, i-guntingin mo sa apat, ganoon tapos isa ito, tusok about mga 6 hours, 7. Wala na, palitan mo na naman and it is prescribed by the doctor and kinuha ko ‘yung aking Fentanyl prescription drug, doon sa pain center ng St. Luke’s at naalaala ko pa ang nagbigay sa akin noon, si. Dr. Javier. So, I’m giving you the name and my doctor. Pagkatapos noon po, gumaling na ako Mr. President, hindi na ako nag-Fentanyl ‘di ko na kailangan eh.  Ngayon, bumwelta ka sa akin nang gano’n. Tatanungin kita, ‘yang cocaine may prescription ba iyan?” diin ni FPRRD.

Una na ngang itinanggi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasa drug list si Pangulong Marcos, taliwas sa pahayag ng dating Pangulo.

FPRRD, hahanapin ang listahang ipinakita ng PDEA noon at ilalabas ito sa publiko

Ayon naman kay Duterte natural lang na itanggi ng PDEA na kasali sa kanilang narcolist ang Pangulo pero hahanapin aniya ang listahang ipinakita sa kaniya noon at ilalabas ito sa publiko.

“Ikaw, ang PDEA, magbigay ka, ‘sir, ito ang record mo doon sa narco.’ It is natural that they will refuse to give it to you. But anyway, hanapin ko ‘yun, hindi ko man tinanggap ‘yun pero hanapin ko ‘yun as soon as it comes into my hands I will release it,” ayon kay Former Pres. Rodrigo Roa Duterte.

“Pero ang PDEA na ‘yan, may naiwan. ‘wag kayo magtaka na ang PDEA walang ibigay sa kaniya. Kung presidente ‘yan maghingi sa sarili niyang derogatory report, ibigay mo?

Syempre, magsabi talaga wala. Tingnan mo ‘pag nawala si Marcos, ‘di ba maglabasan ‘yan. Kalokohan ng PDEA na ‘yan,” aniya.

FPRRD, kinuwestiyon ang tunay na dahilan ng pagpasok ni Pangulong Marcos sa isang rehab center sa Germany

Hirit pa ng dating Pangulo, ano nga ba ang tunay na ginawa ni Pangulong Marcos sa Germany at bakit ito pumasok sa isang rehabilitation center?”

“Ngayon, we have a sitting president who is a drug addict. How can you now rally the people behind, observe the law. Pati ‘yung mga PDEA, pati ‘yung mga pulis. Bakit ka pumunta ng Germany right before the campaign. Bakit ka nagpa-rehabilitate doon. Hindi ko rin sinasabi na nagparehabilitate ka ng drugs. But, bakit ka pumunta doon at pumasok ka ng rehab center?” wika ng dating Pangulo.

FPRRD, nilinaw na walang masamang epekto sa kaniyang katawan ang Fentanyl

Samantala, nilinaw naman ni dating Pangulong Duterte na walang anumang masamang epekto sa kaniyang katawan ang Fentanyl na kilalang isang synthetic opioid drug.

Pero kung ipipilit aniya ni Pangulong Marcos ang isyu ng paggamit niya ng Fentanyl bilang pain reliever noon ay mapipilitan din siyang hayagang hamunin na sumailalim sa drug test ang Punong Ehekutibo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble