PBBM: Hindi gagamitin ang pondo mula sa GSIS bilang seed fund para sa MIF

PBBM: Hindi gagamitin ang pondo mula sa GSIS bilang seed fund para sa MIF

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na walang intensiyon ang pamahalaan na gamitin bilang ‘seed funds’ para sa Maharlika Investment Fund (MIF) ang pension funds ng estado.

Nakiisa si Pangulong Marcos sa Government Service Insurance System (GSIS) sa pagdiriwang ng ika-86 anibersaryo nito sa Pasay City nitong Miyerkules, Mayo 31, 2023.

Pagkatapos ng event ay nagpaunlak ito ng panayam kung saan isa sa sinagot ng pangulo ang katanungan na may kaugnayan sa MIF.

“We will not use pension fund as a seed fund,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Hindi sang-ayon si Pangulong Marcos na gagamitin bilang seed fund para sa MIF ang pondo mula sa GSIS.

“We have no intention of using ng pera – kukuha tayo ng pera ng pension fund. That’s not the it’s a – okay. [How do I explain this?] We will not use it as a seed fund,” saad pa ni Pangulong Marcos.

Gayunpaman, sinabi ni Pangulong Marcos na ipinauubaya na rin niya ang desisyon sa state pension fund kung nais nilang maglagak sa MIF.

“However, if a pension fund, which is what pension funds do is they invest. If the pension fund decides the Maharlika Fund is a good investment, it’s up to them if they want to invest in it. So not only pension fund but corporations. Mga fund — iyan lang ang ginagawa nila pinapalaki nila ang pera nila para mayroon silang maibigay,” ayon kay Pangulong Marcos.

Mababatid na pinagtibay ng Senado ang bersiyon nito ng Maharlika Fund Bill na may pag-amyenda, na nagbabawal sa state pension at insurance funds na mamuhunan sa proposed Sovereign Wealth Fund.

Sa kabilang banda, inihayag naman ni GSIS President Wick Veloso na susundin lamang nila ang desisyon ng mga mambabatas hinggil sa Maharlika Investment Fund.

Nitong Miyerkules, inaprubahan ng Senado ang huling bersyon ng Maharlika bill sa ikatlo at huling pagbasa.

Ang Maharlika Fund na sinertipikahang urgent ni Pangulong Marcos, ay isang sovereign wealth fund na tutustusan ang national development projects at iba pang assets.

95% ng mga transaksiyon ng gobyerno, nais ni PBBM na gawin nang digital

Samantala, sa talumpati naman ni Pangulong Marcos sa GSIS event, inihayag nito na isinusulong ng kaniyang administrasyon ang mas maraming digitalized na transaksiyon sa lahat ng ahensiya ng gobyerno kasama ang mga local government units (LGUs).

Ito’y upang makapagbigay ng maayos at tumpak na serbisyo sa mamamayang Pilipino.

Nais ni Pangulong Marcos na gawin nang digital ang 95% ng mga transaksiyon ng gobyerno.

“Now, that for me, would be a very, very good target for all of our agencies in government and all our departments in government down to the LGUs. And we can say that 95 percent of the business of a citizen is done digitally, through the internet, including that of government,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Dahil sa mga hinihingi ng mga kumplikadong operasyong ito, ani Pangulong Marcos, napakahalaga na ganap na iimplementa ang digital transformation, lalo na sa panahong ito ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

Dapat din aniyang tiyakin ang episyenteng organization, accuracy, reliability at security of data gamit ang available na state-of-the-art digital tools.

Touch mobile app, Pabahay Project, at Kadiwa program, itinampok na mga programa ng GSIS kasabay ng ika-86 anibersaryo

Samantala, sa pagsisimula nito sa isang bagong kabanata ngayong taon, nananatiling matatag ang GSIS sa pangako nitong palaguin ang mga kontribusyon ng mga miyembro at tulungan sila sa kanilang mga pangangailangan sa pananalapi, palakasin ang saklaw ng insurance sa government assets and properties at magbigay ng pinakamahusay na serbisyo sa pamamagitan ng teknolohiya at digitalization.

Kasabay ng anibersaryo, itinampok ng GSIS ang pinahusay na GSIS Touch mobile application, na nagbibigay ng user-friendly interface kung saan ang mga miyembro at pensioner ay maaaring mag-apply para sa mga pautang, tingnan ang mga talaan at mag-navigate sa iba pang mga serbisyo nang tuluy-tuloy.

Opisyal na ring inilunsad ng GSIS ang kanilang Pabahay Project sa Quezon City kung saan makikinabang ang mga miyembro at kanilang pamilya, lalo na sa mga nagmumula sa low-income households.

Bukod dito, bilang suporta sa layunin ng administrasyon na magbigay ng accessible at abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino, winelcome ng GSIS ang mga akreditadong kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka ng Kadiwa mula sa iba’t ibang rehiyon.

Welcome ang mga ito para magbenta ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan sa mga empleyado, miyembro, pensiyonado at bisita ng GSIS.

Bago nagbigay ng kaniyang talumpati sa event, ay inikot muna ni Pangulong Marcos ang mga Kadiwa booth ng GSIS sa head office nito sa lungsod ng Pasay.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter