MAS maiging magtalaga na lang ng common area para sa fireworks display upang mabawasan ang injuries.
Ito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng local government units (LGUs), imbes aniya na payagan ang mga nasasakupan na magkaroon ng sariling firecrackers.
Ang mensahe ni Pangulong Marcos ay may kaugnayan sa pagdiriwang ng holiday season lalo na sa pagsalubong sa Bagong Taon.
“Ang gawin na lang natin ay I will enjoin the LGUs, instead of allowing our people to have their own firecrackers, gumawa na lang kayo ng magandang fireworks display para sa inyong mga constituent,” saad ni Pangulong Marcos.
Nagbabala si Pangulong Marcos sa mga Pilipino tungkol sa mga panganib at epekto sa kalusugan ng paggamit ng paputok.
Partikular ang mga resulta na dulot ng pagiging hindi maingat at walang pinipiling paggamit ng mga mapanganib na firecrackers.
“Huwag muna tayong magpaputok at alam naman natin kung minsan delikado ‘yan. Lalo ngayon at maglalabas sila ng mga paputok na hindi natin alam kung saan galing, kung maayos ang pagkagawa,” ani Pangulong Marcos.
Sa kabilang dako, pinalakas naman ng Philippine National Police ang kanilang pagsisikap na magsagawa ng cyber patrol, pagkumpiska at pagsira sa mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics upang maprotektahan ang publiko.
Samantala, Nauna na ring iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagbaba ng firecracker-related injuries sa bansa sa nakalipas na dalawang taon.