PBBM, iginiit ang accessible design sa mga gusali para sa PWDS, seniors, buntis

PBBM, iginiit ang accessible design sa mga gusali para sa PWDS, seniors, buntis

IGINIIT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hindi lang dapat maituon sa physical design ang mga itinatayong imprastraktura sa bansa, bagkus, kailangan din aniyang ikonsidera ang inclusive at accessible design.

Nabanggit ito ng Pangulo sa gitna ng dinaluhang 125th anniversary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ginanap sa Maynila.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagiging bukas sa konsepto ng accessibility ng mga gusaling pinupuntahan ng persons with disability (PWD) senior citizens, at mga buntis para sa kapakanan ng mga ito.

Saad ng Pangulo, magagawa ito gamit ang technological advancement at innovations sa pag-develop ng sistema sa pagtatayo ng imprastraktura sa bansa.

Pinasisiguro din ni Pangulong Marcos sa DPWH ang katatagan ng bawat itinatayong istraktura upang makakayanan nito ang mga pisikal na hamon na maaaring dumating.

Samantala, binati ng Pangulo ang mga awardee na kinilala sa pagpapakita ng core values ng departamento at sa pag-iiwan ng ‘indelible mark’ sa lipunan.

Pinuri ni Pangulong Marcos ang ilang dekada na paglilingkod ng DPWH sa mga mamamayan, kung saan kinilala ito sa pagtatayo ng mga magagarang gusali ng gobyerno, malalaking proyekto tulad ng mga dam at irrigation systems, mga tulay at lansangan na nag-uugnay sa maraming isla ng bansa.

Kabilang sa mga kilalang flagship project ng DPWH, ang San Juanico Bridge, Cultural Center of the Philippines (CCP), at ang Pan-Philippine Highway na umaabot mula Laoag City sa Ilocos Norte hanggang Zamboanga sa Mindanao.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter