INAASAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mapalalakas pa ang ugnayan sa mga miyembro ng diplomatikong komunidad.
Ang pahayag ay kasabay ng ginanap na Vin D’ Honneur sa Malacañang.
Kasabay ng ginanap na Vin d’Honneur sa Malacañang, ay nagbigay katiyakan si Pangulong Marcos na pangungunahan ang bansa sa pagharap sa mga hamon tungo sa pag-unlad nito.
Nitong Hunyo 12, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa Rizal Park at Quirino Grandstand sa Maynila.
Pagkatapos nito, ay pinangasiwaan ng Punong Ehekutibo ang tradisyunal na Vin d’Honneur sa Malacañang nitong gabi ng Lunes kasabay ng Araw ng Kasarinlan.
Ito ay isang pagkakataon upang malayang magkahalubilo sa Palasyo nang di-pormal ang matataas na opisyal ng pamahalaan, pangkat-diplomatiko, at iba pang mga personalidad.
Sa kaniyang toast remarks sa ginanap na Vin d’Honneur sa Palasyo ng Malacañang, sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahan nito na ang bansa ay patuloy na magpalalakas ng ugnayan nito sa mga miyembro ng diplomatikong komunidad.
Inanyayahan din ng Pangulo ang mga kasamahan sa gobyerno at mga katuwang mula sa pribadong sektor na patuloy na makakuha ng inspirasyon mula sa katapangan at determinasyon ng mga ninuno sa kanilang pagsisikap na mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng mga mamamayang Pilipino.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagdiriwang ngayong taon ay nagkaroon ng isang ganap na bagong iba’t ibang kahulugan habang minarkahan ang naturang okasyon ng may panibagong pag-asa at masiglang pagpapasya na muling bumangon bilang isang bansa.
Umaasa naman ang Pangulo na ang pagdiriwang ng araw ng kasarinlan ay magiging patuloy na paalala sa mga Pilipino na sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa bilang isang bansa, ay mapangangalagaan ang kalayaang napanalunan ng mga ninuno.
Tungkulin aniya ng bawat isa na itaguyod ang isang lipunang nagtataguyod ng demokrasya, katarungang panlipunan, at pagiging inklusibo upang ang bawat Pilipino ay umunlad at makapag-ambag sa paglago ng bansa.
Nangako naman si Pangulong Marcos na pangungunahan nito ang bansa sa pagharap sa mga hamon tungo sa isang mataas na pag-unlad habang bumabangon mula sa nakapipinsalang epekto ng COVID-19 pandemic.
Ang Vin d’Honneur ay isinasagawa taon-taon nang dalawang beses, pagkatapos ng Bagong Taon at tuwing Hunyo 12, ang anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas.
Una nang pinangunahan ni Pangulong Marcos, ang kaniyang unang tradisyunal na Vin d’Honneur o ‘Wine of Honor’ ngayong taon noong Enero 31.
DBM chief, nanawagan sa mga Pilipino na pagnilayan ang halaga at kabuluhan ng tinatamasang kalayaan ng bansa
Samantala, nanawagan naman si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa kapwa Pilipino na pagnilayan ang halaga at kabuluhan ng tinatamasang kalayaan maging ang mga responsibilidad na kaakibat nito.
“I call on every Filipino to reflect on the value and importance of freedom, and the responsibilities it entails,” saad ni Sec. Amenah Pangandaman, DBM.
Mensahe ito ng DBM chief kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan nitong Lunes.
Sinabi ni Pangandaman na lumipas man ang mga siglo, mahalagang kilalanin ang sakripisyo ng mga ninuno na hindi kailanman mawawalan ng saysay.
Nararapat lang din aniya na parangalan ang mga kababayan na nagbuwis ng dugo, pawis, at luha gayundin ang mga nagbahagi ng kanilang mga yaman at talento upang ipaglaban ang kalayaan ng bansa.
Dagdag pa ni Pangandaman, ang pinakamagandang regalong maibibigay ng kalayaan sa isang tao ay ang kalayaang pumili.
Kaya habang tinatamasa ang kalayaang ito, umaasa si Pangandaman na maalala ng lahat na pumili at magpasya nang may pagmamahal, pagmamalasakit, at paggalang.
Nanawagan din si Pangandaman na kapit-kamay na magsikap at abutin ang pangmatagalang pag-unlad kung saan kasama lahat at walang maiiwan, gaya aniya ng adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Let us work hand-in-hand to endeavor and attain lasting progress and inclusive prosperity, as envisioned by the administration of President Ferdinand R. Marcos Jr.” ani Sec. Amenah Pangandaman
DBM.