PBBM, inilarawan ang nakuhang mataas na trust rating na ‘very encouraging’

PBBM, inilarawan ang nakuhang mataas na trust rating na ‘very encouraging’

INILARAWAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang ‘very encouraging’ ang nakuhang mataas na approval at trust rating base sa pinakahuling survey.

Ito ang ibinahagi ni Office of the Press Secretary OIC Undersecretary Cheloy Garafil.

Nauna nang iniulat ng OCTA na 85 porsiyento ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang lubos na sumasang-ayon na ang bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos ay patungo sa tamang direksyon.

Sa latest report naman ng Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, lumalabas na nakakuha si Pangulong Marcos ng 86 porsiyentong trust rating at 78 porsiyentong performance rating.

Inihayag pa ng Punong Ehekutibo na nakakapang-lakas ng loob ang naturang survey result at sinabing mahalaga ring madama ng mga Pilipino ang mga patakaran at programa ng gobyerno sa lahat ng socioeconomic classes.

Ayon pa sa survey, 4 porsiyento lamang ang nagpahayag ng kawalan ng tiwala kay Pangulong Marcos.

Nasa 5 porsiyento naman ang hindi nasiyahan sa kanyang performance.

Pagdating sa geographical areas, ang trust rating ni Pangulong Marcos ay nasa 82 porsiyento hanggang 92 porsiyento.

Nakakuha ng pinakamataas na trust rating ang Pangulo sa Mindanao na 92 porsiyento, habang nakuha naman niya ang pinakamababang trust rating sa National Capital Region (NCR) na 82 porsiyento.

Isinagawa ng OCTA Research ang pinakahuling survey mula Oktubre 23-27, na may 1,200 adult respondents sa buong bansa.

Bukod kay Pangulong Marcos, ay mayorya rin ng mga Pilipino ang tiwala at kumbinsidong nasa maayos ang pamamalakad sa bansa ni Vice President Sara Duterte.

Nakakuha si VP Sara ng 86 porsiyentong trust rating at 80 porsiyentong performance rating.

Nakakuha rin ang bise presidente ng mataas na trust rating sa Mindanao na 98 porsiyento, habang sa Luzon areas naman siya nakakuha ng mababang trust rating na 81 porsiyento.

Follow SMNI News on Twitter