PBBM, isinusulong ang housing interest subsidy support para sa ‘Pambansang Pabahay’ program

PBBM, isinusulong ang housing interest subsidy support para sa ‘Pambansang Pabahay’ program

ISINUSULONG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakaroon ng housing interest subsidy support para sa mga benepisyaryo ng “Pambansang Pabahay” project ng kasalukuyang administrasyon.

Layunin ng Pangulo na mapagaan ang babayarang buwanang amortisasyon ng mga benepisyaryo.

Binibigyang-diin muli ni Pangulong Marcos ang kanyang hangaring makapagbigay ng mura at disenteng tirahan para sa mga Pilipino.

Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng groundbreaking ceremony para sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Project sa lungsod ng Quezon.

Sinabi pa ng Pangulo, nasa 2 high-rise building na may higit 2,000 units ang nakatakdang itayo sa naturang lugar ilalim ng kanyang pamununo.

Ito ang magiging bagong tahanan ng mga kwalipikadong informal settlers at miyembro ng Batasan Tricyle Operator’s and Driver (BATODA).

Si Romer, kabilang sa 7,000 miyembro ng BATODA ay hinahangad na mapabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pambansang Pabahay program.

Paliwanag niya, nakikituloy lang siya sa kanyang anak at matagal na niyang ninanais na magkaroon ng sariling tirahan.

Pero, giit ng Pangulo, isusulong nito sa Kongreso ang paglalaan ng housing interest subsidy upang kukonti na lang babayarang buwanang amortisasyon ng mga benepisyaryo.

Kung kayat, nanawagan ang Pangulo sa Kongreso ng suporta para maging abot-kaya ng mga Pilipino ang gastos ng kanilang buwanang babayaran sa oras maitayo at maibigay na sa kanila ang mga naturang bahay.

Tugon naman ni House Speaker Martin Romualdez na handang sumuporta ang Kongreso para sa mithiin ng Pangulo sa gitna ng anumang hamon.

Sinabi naman ni Department of Human Settlements (DHSUD) Secretary Rizalino Acuzar na sa oras maisakatuparan ang paglalaan ng subsidya ay mas makatutulong ito na mababa ang babayaran ng mga benepisyaryo.

Paglilinaw lang ni Acuzar, hindi magiging libre ang Pambasang Pahabay, dahil kinakailangan maikot ang pondo para sa iba pang kwalipikadong benepisyaryo.

Samantala, pinasalamatan naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte si Pangulong Marcos dahil tinupad nito ang kaniyang binitiwang pangako noong nangangampanya para sa mga residente ng lungsod na walang permanenteng tahanan.

Ipinunto pa ni Mayor Joy na ang itatayong BLISS ay simbolo ng pag-uunlad ng negosyo at trabaho sa lugar na tanyag na magiging sentro ng komersyo.

Para naman sa mga residente ng lungsod na nais mag-apply para sa naturang programa, hinimok ng QC LGU na pumunta sa city hall at dalhin ang kinakailangang mga dokumento.

Nabatid na ito na ang ikalawang proyekto ng “Pambansang Pahabay” program ng administrasyong Marcos sa naturang lungsod.

Matatandaang, Setyembre 2022 nang mailunsad ang kauna-unahang “Pambansang Pabahay” sa Harmony Hills Terraces sa Batasan Hills ng lungsod.

Follow SMNI NEWS in Twitter