INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Huwebes na nakikita niya ang maliwanag na inaasam para sa ekonomiya ng bansa makaraang bumaba ang unemployment rate noong Oktubre.
Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos, tiniyak din nito sa mamamayang Pilipino na pagagaanin ng pamahalaan ang kanilang pasanin sa gitna ng kasalukuyang mga hamon, partikular ang pandaigdigang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, bagama’t tumaas ang inflation rate ng hanggang eight percent nitong Nobyembre, ay mayroon naman kasabay na mas magandang balita na bumaba ang unemployment rate sa four and a half percent mula sa five percent.
Kaya’t kahit papaano, ani Marcos, ay malakas ang loob ng pamahalaan na hindi magkakaroon ng recession sa Pilipinas dahil masyadong mababa ang unemployment rate.
Batay sa preliminary results ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pinakahuling labor force survey na inilabas noong Miyerkules, bumaba ang unemployment rate ng bansa sa 4.5 percent noong Oktubre, mas mababa sa 7.4 percent noong Oktubre 2021 at 5 percent noong Setyembre.
Sa kabilang banda, nagbigay kasiguruhan naman si Pangulong Marcos na gumagawa ng paraan ang gobyerno kung paano mapapawi ang epekto ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga ordinaryong Pilipino.