PBBM, pinatitiyak sa DSWD na may pondo para bigyan ng tulong ang rice retailers na apektado ng EO 39

PBBM, pinatitiyak sa DSWD na may pondo para bigyan ng tulong ang rice retailers na apektado ng EO 39

PINABIBILIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagkilos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagbibigay ng ayuda sa mga retailer na apektado ng price cap.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na kahit nasa Indonesia siya ay walang tigil ang kaniyang pagtutok sa sitwasyon tungkol sa bigas.

Nabanggit ito ng Pangulo sa kaniyang departure statement sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong hapon ng Lunes.

Sa katunayan, bago ang kaniyang departure patungong Indonesia ay pinangunahan muna ng Pangulo ang isang meeting kasama ang ilang ahensiya ng gobyerno sa Malacañang Palace.

Tinalakay sa pulong ang mitigating measures para sa rice retailers na apektado ng Executive Order (EO) No. 39.

Pinatitiyak ni Pangulong Marcos sa DSWD na mayroong pondo ang ahensiya para bigyan ng katumbas na tulong ang rice retailers na apektado ng EO 39.

“Ang DSWD naman ay tiniyak namin na meron silang pondo, ihanda, upang pagkanakalkula na natin ang lugi ng mga rice retailer, ay bibigyan naman natin sila ng katumbas na tulong,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Nakasaad sa nasabing EO na nasa P41 kada kilo ang mandated price ceiling ng regular milled rice at P45kada kilo naman sa well-milled rice.

Batid ng Pangulo ang inaasahang pagkalugi ng mga retailer dahil sa price cap na ito, gayunpaman, tiniyak niyang nakahanda ang gobyerno na magbigay ng tulong para makabawi mula sa pagkalugi.

Iginiit naman ng Pangulo na pansamantala lamang ang sakripisyo ng mga retailer at hindi ito magtatagal.

Ito’y sapagkat umaani na ng palay ang bansa at may inaasahan ding papasok na angkat na bigas.

“This is a temporary measure, the rice supply will be coming in, the second week of September. Nandyan na ‘yung ani ng Pilipinas, nandiyan na po ‘yung importation natin, wala na naman talagang magiging dahilan kung bakit tataas ang presyo ng bigas, at maibabalik natin sa dati nating kinasanayan na presyo,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Bago rito, inatasan ni Pangulong Marcos ang DTI katuwang ang DA na gumawa ng listahan ng mga rice retailer at kalkulahin ang maaring ikalugi ng sektor dahil sa price cap, upang makapagbigay ng tulong sa mga ito.

PBBM, pinabibilis ang pagkilos ng DSWD, DA, at DTI para sa pagbibigay ng ayuda sa apektadong retailers ng EO 39

Sa isang panayam, sinabi naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos na bilisan ang pagkilos ng DSWD, kasama ang DTI at DA para sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong retailer.

Tiniyak naman ng kalihim na sa oras na matanggap na ng DSWD ang listahan ng mga retailer mula sa DTI at DA ay agad na sisimulan ang pamamahagi ng tulong.

Gayunpaman, ani Gatchalian, wala pang itinakdang halaga ng ayudang ibibigay dahil patuloy pa aniya ang pagko-compute ng DTI at ng DA para masiguro na angkop at tama ang halaga na itutulong ng DSWD.

“Kapag naka-finish ‘yung listahan…Makuha ‘yung listahan. At kami ay makapag-payout sa mga maapetuhan na retailers. Pangalawa kagaya ng sinabi ng Pangulo na ‘yung halaga ng grant will be commensurate doon sa maaring maging epekto nito doon sa mga small retailers natin,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.

Una rito, tinalakay ni DSWD chief sa pulong sa Malacañang ang patungkol sa paggamit ng livelihood assistance o ang Sustainable Livelihood Program (SLP) para sa mga small-scale rice retailer at ang panukalang social safety net para sa mga apektadong rice retailers.

Ayon sa kalihim, ang sustainable livelihood program ay may pondo na existing sa loob ng departamento.

 “Kung titingnan niyo ‘yung General Appropriations Act, ang nakalaan na pondo diya’an kung ‘di ako nagkakamali mga 6 billion. But of course dahil September na ngayon, madami diya’an nadispense na. Pero may sapat pa para macover naman ‘yung ating mga maaapektuhan niyong executive order,” dagdag ni Gatchalian.

Samantala, inutos din ni Pangulong Marcos ang mas masigasig na pagtugis sa mga smuggler at hoarder ng bigas dahil ito aniya ang pinaka-puno’t dulo kung bakit umaabot sa lagpas P50 ang kada kilo ng bigas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble