PBBM sa gov’t offices at LGUs; Gamitin ang IFMIS sa mga transaksiyon

PBBM sa gov’t offices at LGUs; Gamitin ang IFMIS sa mga transaksiyon

GAMITIN ang Integrated Financial Management Information System (IFMIS) sa mga transaksyon ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa government offices at local government units (LGUs).

Inaprubahan ng Malacañang nitong Hunyo 1, ang Executive Order No. 29 s.2023 na naglalayong palakasin ang integrasyon ng public financial management information systems at pagpapasimple ng proseso nito.

Ang executive order na inilabas ni PBBM ay nag-aatas sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at LGUs na magpatibay at magpatupad ng Integrated IFMIS sa kanilang mga transaksiyon sa general public.

Ang EO No. 29 ay may pamagat na “Strengthening the Integration of Public Financial Management Information Systems, Streamlining Processes Thereof, and Amending Executive Order No. 55 (S. 2011) for the Purpose.”

Ito ay naaayon sa pangako ng administrasyong Marcos na pagbutihin ang bureaucratic efficiency sa pamamagitan ng pag-capitalize sa digitalization efforts upang matiyak ang mabilis at mahusay na paghahatid ng mga serbisyo sa publiko.

Bukod sa mga ahensiya ng pambansang pamahalaan at mga LGU, inaatasan din ng EO ang mga korporasyong pagmamay-ari o kontrolado ng gobyerno na magpatibay at magpatupad ng integrated financial management information system sa kanilang mga transaksyon.

Iniutos din ng Pangulo ang paglikha ng Public Financial Management (PFM) Committee, na binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), Commission on Audit (COA), at Bureau of Treasury (BTr), upang tumulong sa paglipat sa ganap na digitalization ng mga proseso ng

Public Financial Management (PFM) sa pamamagitan ng Integrated Financial Management Information System (IFMIS).

Sa ilalim ng EO, ang Public Financial Management (PFM) Committee ay magsasagawa ng patakaran at proseso ng pagsusuri ng mga pangunahing proseso ng PFM.

Kabilang dito ang budget management at pagpapatupad nito, cash management, at accounting and reporting.

Ang PFM Committee ay gagawa rin ng five-year plan para sa pagbuo at pagpatutupad ng IFMIS na nag-uugnay sa mga pambansang ahensiya ng pamahalaan sa DBM, DOF, COA, at Bureau of Treasury.

Ang Komite ay inaatasan din na maglabas ng mga alituntunin na may kinalaman sa transitional arrangement na susundan ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa ganap na pag-adopt ng IFMIS.

Ang EO ay inilabas batay sa rekomendasyon na ginawa ng Private Sector Advisory Council (PSAC) for the Digital Infrastructure group upang tumulong sa pagsulong ng kahusayan, transparency at ease of doing business sa gobyerno.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter