PBBM, umaasang magiging katuwang ang bagong NPC officials sa pagtaguyod sa kapakanan ng mga mamamahayag

PBBM, umaasang magiging katuwang ang bagong NPC officials sa pagtaguyod sa kapakanan ng mga mamamahayag

PORMAL nang nanumpa ang mga bagong halal ng National Press Club (NPC) at Publishers Association of the Philippines, Incorporated (PAPI) officials.

Sa isang Facebook post, binati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga bagong halal na opisyal ng NPC at PAPI.

Dagdag pang mensahe ng Punong Ehekutibo, umaasa siyang magiging katuwang nito ang bagong NPC officials sa pagtaguyod sa kapakanan ng mga mamamahayag.

Gayundin aniya ang pagpapaunlad sa propesyong inaasahan ng mga Pilipino para sa tamang impormasyon.

Nitong Huwebes, nanumpa na sa harap ni Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malakanyang ang mga bagong halal na opisyal ng NPC at PAPI.

Samantala, inihayag ng Malacañang na ang kalayaan sa pamamahayag ay ginagarantiyahan sa administrasyon ni Pangulong Marcos.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na malaya ang bawat isa na magsalita at wala silang binabago pagdating dito.

Aniya,  ginagarantiya ng Saligang Batas kung ano man ang kalayaan na mayroon ang lahat ngayon.

Dagdag pa ng kalihim, makikipagtulungan din nang maigi ang pamahalaan sa media organizations.

Tiniyak ni Cruz-Angeles ang patuloy na ‘healthy dialogue’  lalo na sa mga pagkakataong ang mga ulat ay kritikal sa gobyerno.

Muli ring iginiit ng Press Secretary ang pangako ni Pangulong Marcos na titiyakin ng gobyerno ang karapatan ng mga mamamahayag sa bansa na itinataguyod at pinoprotektahan.

Inihayag pa ng Press Secretary na ang patunay na suporta ng Pangulo sa mga mamamahayag ay nang siya mismo ang nanguna ng oath-taking ng mga bagong halal na opisyal ng NPC.

Follow SMNI News on Twitter