DAPAT managot ang Philippine Coast Guard (PCG) at ang may-ari ng lumubog na motorbanca sa Binangonan, Rizal.
Ito ang binigyang-diin ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa kaniyang programa sa SMNI News.
Ani Roque, ito ay kahit pa may ibinigay nang tulong sa unang 18 naiwang pamilya na nagkakahalaga ng tigsa-sampung libong piso.
Kailangan pa rin aniya na maparusahan ang nagbigay ng pahintulot sa naturang barko na maglayag ito nang overload at sa gitna pa ng masamang panahon.
Ang lumubog na Motorbanca Princess Aya ay may seat capacity lamang na 42, pero umabot sa 70 ang kabuuang bilang ng sakay nito.
Batay naman sa iprinisentang manifesto sa PCG, 22 lang ang nakalagay na bilang ng mga pasahero.
Ipinunto pa ni Roque, hindi maaaring matulog sa pansitan ang Coast Guard lalo na kapag masama ang panahon para maiwasan ang overloading ng mga barko.
Ilalabas na ngayong araw ng Lunes, Hulyo 31, ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng PCG katuwang ang Philippine National Police (PNP) sa nangyaring insidente sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.
Sa ngayon ay inalis na sa puwesto ang station commander ng PCG sa Binangonan, Rizal para bigyang-daan ang isang patas, honest at transparent na imbestigasyon.