NAGDEKLARA na ang Philippine Coast Guard (PCG) ng heightened alert status para sa pagpatutupad ng Oplan Balik Eskwela 2022 mula Agosto 15- 29, 2022.
Alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista, sinabi ni PCG commandant, CG Admiral Artemio Abu na makikipag-ugnayan ang PCG sa Philippine Ports Authority (PPA) at Cebu Ports Authority (CPA) para sa 24/7 operations ng DOTr Malasakit Help Desks (MHDS) sa mga major ports, at iba pang maritime transport facilities kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero dahil sa pagbabalik klase.
Ayon kay Abu, magdedeploy rin sila ng karagdagang K9 teams at security personnel sa mga pantalan at magsasagawa sila ng 24/7 maritime patrol operations para maiwasan ang mga colorum.
Inatasan din ng PCG commandant ang Coast Guard fleet at Coast Guard Aviation Force na magdeploy ng vessels at air assets para sa pagsasagawa ng maritime surveillance sa mga major sea lanes sa bansa.
Samantala, bumuo rin ang PCG Districts ng deployable response groups (DRGs) na handa para sa agarang pagpadadala sa panahon ng mga maritime accidents, bagyo, at ibang emergencies.