NAIS lamang ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na maging transparent ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga nananalo sa lotto.
Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni Pimentel na dapat na imbestigahan ng Commission on Audit (COA) ang listahan ng mga nanalo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa ilang lotto player din ang nanalo ng jackpot sa mga nagdaang lotto draws.
Ipinagtataka rin ng senador ang sunod-sunod na panalo sa mga nakalipas na lotto draws ng PCSO dahil ang larong ito ay dinesenyo ng mga mathematician upang mahirapan ang mga taong mapanalunan ito.
Suhestiyon pa ni Pimentel, dapat mas may detalye pang ibinibigay na impormasyon ng mga nanalo dahil sa kasalukuyan ay pangalan at larawan lamang nito ang ipinapakita.
Kabilang din aniya sa sisilipin ay ang safeguards sa lotto upang mas dumami pa ang tataya at sales sa naturang laro.
Matatandaan na nauna na ring nagpatawag ng imbestigasyon ang senador sa lotto na pinapatakbo ng pamahalaan matapos na manalo ang nasa 433 na manlalaro sa P236-M jackpot sa 6/55 grand lotto draw noong Oktubre 2022.