BAGAMA’T hindi pa opisyal na idinedeklara, matatag ang paniniwala ni congressional candidate Atty. Silverio Garing na siya ay mananalo sa pagka-kongresista, gayundin ang mga kandidato sa pagka-senador ng PDP-Laban.
Buong kumpiyansa niyang ipinahayag na ang mga isinagawa nilang motorcade at grand rally sa Muntinlupa na kanyang pinangunahan sa ilalim ng PDP-Laban ay patunay ng matibay na suporta mula sa mga botante.
“Unang-una, sa mga nangyaring rally, tayo lang ang nagkaroon ng dalawang malalaking rally dito, kaya nakakasiguro ako sa ating mga senador—nakakasiguro na straight tayo dito.”
“Naniniwala ako na ang taga-Muntinlupa ay sasamahan tayo sapagkat sila man ay gusto na ng tunay na pagbabago dito,” wika ni Atty. Silverio “Biyong” Garing.
Ang pahayag na ito ni Garing ay kaniyang binitiwan matapos siyang bumoto sa basketball court ng JPA Subdivision, Tunasan, Muntinlupa City ngayong araw ng halalan.
Katunggali ni Garing ang incumbent Congressman na si Jaime R. Fresnedi, na kabilang sa mga pumirma sa inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kabila ng matinding laban, pinuri pa rin ni Garing ang maayos at mapayapang takbo ng halalan sa kanilang lugar.
Ayon sa datos ng COMELEC, nasa halos 2,400 ang rehistradong botante sa covered court ng Tunasan, na may kabuuang 13 polling precincts.
“Nakikita ko, orderly naman, at sana manatili ito hanggang mamayang hapon,” aniya.
Matatag at positibo ang pananaw ni Garing sa magiging resulta ng eleksiyon. Para sa kaniya, hindi lang basta boto ang nakataya kundi ang pangarap para sa pagbabago sa Muntinlupa at ang tagumpay ng buong PDP-Laban slate.
Sa kabila ng mainit na labanan, pag-asa at determinasyon ang baon ng kanilang kampo upang siguruhin ang tagumpay sa halalan.