ILANG linggo bago ang pagsisimula ng kampanya para sa mga tumatakbo sa local position, isang peace covenant ang isinagawa para matiyak ang maayos at mapayapang eleksiyon sa Pampanga.
“Mag start po ang ating kampanya on March 28 para po sa ating mga local candidates on March 28 until May 10 because the day before election election day itself bawal na po mangampanya,” pahayag ni Atty. Lydia Florentino Pangilinan – COMELEC Provincial Election Supervisor IV.
Sa nalalapit na National and Local Elections 2025, pinagtibay ng mga kandidato sa Pampanga ang kanilang pangakong sumunod sa isang malinis, patas, at mapayapang eleksiyon sa pamamagitan ng isang inter-faith rally and peace covenant signing for secure, accurate, fair elections na ginanap ngayong Marso 4 sa Bacolor, Pampanga.
Dinaluhan ng lahat ng mga tumatakbo sa lalawigan—kabilang ang mga kandidato sa pagka-mayor, vice mayor, governor, congressman, at board member.
Ayon kay COMELEC Provincial Election Supervisor IV Atty. Lydia Florentino Pangilinan, ang pagtitipon na ito ng mga kandidato ay nagpapakita ng kanilang pagpapahalaga sa demokrasya at integridad ng halalan.
“Amin pong inaasahan at ating pong lahat na mithiin we share the same sentiments and same objectives with everyone here that we could have a peaceful and orderly elections sa lugar po natin sa Pampanga,” ani Pangilinan.
Katuwang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), mga lider ng relihiyon, at iba’t ibang sektor ng lipunan, nagsama-sama ang mga kandidato upang pagtibayin ang kanilang pangako sa isang mapayapang eleksyon.
Kasunod nito, isinagawa ang peace covenant signing, kung saan sama-samang lumagda ang lahat ng kandidato.
Naniniwala naman si Congressman Patrol Bustos na isang magandang hakbang ang pagsasagawa ng isang kasunduan.
“This gathering of all candidates today signifies a collective statement of testaments that they honor the elections processes as a foundation of democracy,” ayon kay Cong. Patrol Bustos – Representative 4th District, Pampanga.
“Napakaganda rin ng ginawa ng COMELEC na before the actual signing ay mayroon silang reminders doon sa mga do’s and don’ts so it’s a good reminder for everyone,” ani Bustos.
Para sa mga kandidato, ang paglagda sa kasunduang ito ay hindi lamang isang simbolo kundi isang mahalagang pangako sa sambayanan na kanilang ipaglalaban ang isang halalan na malaya, tapat, at tunay na sumasalamin sa kagustuhan ng taumbayan.