HINIMOK ng Presidential Communications Office (PCO) ang publiko partikular ang pet owners na makiisa sa mga aktibidad na inihanda ng pamahalaan kasabay ng Rabies Awareness Month.
Ayon sa PCO, katuwang ng gobyerno sa naturang programa ang iba’t ibang animal organizations.
Pinaalalahanan din ng PCO ang publiko na maging isang responsableng pet owner.
Ang buwan ng Marso ay itinalaga bilang Rabies Awareness Month sa bisa ng Executive Order No. 84 noong taong 1999.
Layon nitong isulong ang kamalayan sa pagkontrol ng rabies na sanhi ng pagpanaw ng daan-daang indibidwal kada taon.
Saad pa ng PCO, kaakibat ng pagiging isang pet owner ay ang pagsiguro na malusog ang alagang hayop.
Kabilang na ang hindi pagkakaroon ng rabies virus, na isang banta sa buhay ng hayop at taong mapapasahan nito.