Petisyon vs Miru Systems at impeachment kay COMELEC Chair Garcia at sa iba, hindi uurungan ng komisyon

Petisyon vs Miru Systems at impeachment kay COMELEC Chair Garcia at sa iba, hindi uurungan ng komisyon

GUSTO ng dating kongresista na si dating Caloocan Rep. Edgar Erice na maipawalang-bisa ang kontrata na in-award ng Commission on Elections (COMELEC) sa Miru Systems para maging service provider sa 2025 elections.

Sa inihain niyang Petition for Certiorari sa Korte Suprema, hiniling nito ang pagpapalabas ng TRO at preliminary injunction para pigilan ang pagpapatupad ng kontrata.

Ang hakbang ng dating mambabatas ay matapos sabihin ng korte na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang poll body sa pag-disqualify sa Smartmatic sa bidding process.

Si COMELEC Chair George Erwin Garcia, inasahan na ang mga ganitong uri ng petisyon.

“Welcome po sa amin, kaso hindi naman natin masasa-satisfy ang lahat ng mamamayan ng ating bansa, ang importante kaya namin na i-defend ang aming ginawa sapagkat transparent sa public at pursuant to the law ang atin pong in-observe, ‘yan po ay part ng proseso,” ayon kay Atty. George Erwin Garcia, Chairman, COMELEC.

Pati ang impeachment na inihihirit ni Erice laban sa kaniya ay hindi rin aniya uurungan ng COMELEC Chief.

“Kami po ay handang humarap sa kahit anong klaseng kaso o impeachment. Ang importante, kung ano ang para sa bayan, ginawa namin. Kung ano ang interest ng sambayanang Pilipino ginawa natin. Ang sabi naman po ng Supreme Court kaya hindi siya nag isyu ng TRO dahil sabi niya wala namang imparrable damage dahil prospective bidder pa lamang ang aming dinisqualify,” saad ni Garcia.

Tiniyak naman ni Chairman Garcia na nirerespeto nila ang desisyon ng korte at naliwanagan din sila na kailangan munang dumaan sa procurement process bago mag-disqualify ng prospective bidder.

Una nang sinabi ng COMELEC na pinag-aaralan nilang maghain ng Motion for Reconsideration pero sa ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang kopya ng desisyon.

Samantala, kinuwestyon din ni Erice kung bakit kailangan pang magrenta ng bagong makinarya ang COMELEC bagay rin na sinagot ni Garcia.

Ayon dito, unserviceable na ang mga dating makinarya at kung gagamitin pa nila ito ay baka pumalpak pa ang eleksiyon.

“Noong nakaraang eleksyon, may mga makina na nasira at pumalpak na kulang kulang na dalawang libo, sinisi na nga po ang COMELEC. Ngayon po hindi na po namin maguguarantee na hindi lamang dalawang libo ‘yan,” paliwanag ni Garcia.

 “Bakit naman tayo, magsesettle doon sa ilang beses na natin nagamit. Sinasabi nga po natin na kung ilang beses na nagamit, hindi na po ganun ka-effective, efficient ang performance ng makina. I do not want play with democracy of our country,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble