IPIPRISENTA ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine Development Plan (PDP) para sa taong 2023-2028 sa susunod na buwan.
Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa kanyang pulong kay Pangulong Marcos nitong Martes sa Malacañang.
Ayon kay Balisacan, kabilang sa magiging laman ng PDP ang mga paraan upang mapaunlad ang domestic market ng bansa, isa sa mga pangakong binanggit ng chief executive sa katatapos lang na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits sa Phnom Penh, Cambodia.
Sinabi ni Balisacan na ito ang unang pagkakataon na ipiprisenta ang PDP bago magsimula ang unang buong taon ng Pangulo.
Sa PDP, siniguro ni Balisacan na handa na rin dito ang framework para sa regular monitoring at evaluation ng pagpapatupad nito.