PHIVOLCS, nakapagtala ng 43 volcanic earthquakes sa Bulkang Kanlaon

PHIVOLCS, nakapagtala ng 43 volcanic earthquakes sa Bulkang Kanlaon

NAG-alburoto at sumabog ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island nitong Lunes ng gabi.

Itinaas sa Alert Level 2 ang nasabing bulkan at nakaranas ng ashfall sa ilang bahagi ng Negros Occidental.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Dr. Teresito Bacolcol, pagkatapos ng nangyaring pagsabog ng bulkan nitong Lunes ay hindi na ito nasundan pa.

Gayunpaman, mahigpit pa ring binabantayan ng PHIVOLCS ang mga aktibidad ng Bulkang Kanlaon.

Simula alas dose ng hatinggabi hanggang alas dose ng tanghali nitong Martes, sinabi ni Bacolcol na nakapagtala ang PHIVOLCS ng 43 volcanic earthquakes.

Samantala, may tinitingnan na tatlong senaryo ang PHIVOLCS kaugnay ng inaasahan pang aktibidad ng Bulkang Kanlaon.

Canlaon City, inilagay sa state of calamity kasunod ng pagsabog ng Kanlaon Volcano

Ibinahagi naman ng Office of Civil Defense-National Disaster Risk Reduction and Management Council (OCD-NDRRMC) na kasalukuyang nasa ilalim ng blue alert status ang Bulkang Kanlaon.

“Ang ibig lang pong sabihin nito, nothing to worry about in terms of… sa ating mga kababayan,” ayon kay Dir. Edgar Posadas, Spokesperson, OCD-NDRRMC.

“We raised the alert to ‘Blue,’ meaning it’s higher than the usual po, Usec. Marge, than iyong White Alert ‘no – meaning, around 50% ang augmentation po ng personnel,” dagdag ni Posadas.

Iniulat pa ni OCD-NDRRMC Spokesperson Director Edgar Posadas na nagdeklara na ang Canlaon City ng state of calamity.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang OCD sa kanilang regional counterparts sa Western Visayas at Central Visayas para sa tulong na ibibigay.

Base sa inisyal na datos ng OCD-NDRRMC as of 8 am, ani Posadas, nasa kabuuang 170 pamilya o halos walong daang (796) indibidwal at walong mga barangay sa Negros Occidental at Negros Oriental ang apektado ng pag-aalburuto ng bulkan.

Mayroon namang kabuuang walong evacuation centers ang nakalatag.

“Mayroon po tayong sini-serve na 149 families or 685 individuals sa mga evacuation centers. Of course, mayroon din po tayong – hindi po kasama dito pero binibilang din po natin, iyong mga outside evacuation centers na nakikitira po sa kanilang mga pamilya at mga kamag-anak,” ani Posadas.

Saad ni Posadas, may naipamahagi nang tulong ang pamahalaan gaya ng hygiene kits, family packs, at mayroon pang prepositioned goods.

DOH, nagbabala hinggil sa masamang epekto sa kalusugan kapag nakalanghap ng asupre

Kasunod ng pagsabog ng bulkan, nakaranas ng ashfall at sulfuric odor ang ilang bayan at siyudad sa Negros Occidental.

Pero sa ngayon, ayon kay Dr. Bacolcol, wala nang naiulat na nakararanas ng sulfuric smell.

Sa kabila nito, patuloy pa rin na nagbabala ang PHIVOLCS sa masamang epekto sa katawan kapag nakalanghap ng asupre.

Partikular na sensitibo sa sulfur dioxide ang mga indibidwal na may health conditions gaya ng asthma, lung at heart disease; mga matatanda, buntis at mga bata.

Kasama rin ang Department of Health (DOH) sa patuloy na pagbabantay sa paggalaw ng bulkan kasabay ng pagpapaalala sa publiko hinggil sa pangangalaga sa kalusugan.

Mahigpit na pinapayuhan ng DOH ang lahat na maging mapagbantay at iwasan ang apat na kilometrong-radius na Permanent Danger Zone (PDZ).

Ito’y upang mabawasan ang panganib mula sa biglaang pagsabog, pagbagsak ng bato at pagguho ng lupa.

Sa kaso ng pag-ulan ng abo na maaaring makaapekto sa mga komunidad, ang mga tao ay dapat magtakip ng ilong at bibig gamit ang basa, malinis na tela o dust mask.

Apat na bulkan sa bansa, kasalukuyang nasa ilalim ng alert levels—PHIVOLCS

Bago ang pagputok nitong Lunes, ayon sa PHIVOLCS, pinakahuling volcanic eruption ng Kanlaon ay noong Disyembre 2017, na sinundan noong Disyembre 2017.

Ipinaliwanag ni Dr. Bacolcol na ang aktibidad ng bawat bulkan ay independent, ibig sabihin, ang isang volcanic activity ay hindi makakaapekto sa ibang bulkan.

Nasa 24 ang aktibong bulkan sa bansa kung saan 10 aniya ang kanilang minomonitor dito.

Sa kasalukuyan, apat lamang ang may alert levels: ang Mayon Volcano na nasa Alert Level 1, Taal Volcano na nasa Alert Level 1, Bulkang Bulusan na nasa Alert Level 1 at ang Bulkang Kanlaon na nasa Alert Level 2.

Samantala, patuloy na pinaalalahanan ng pamahalaan ang publiko na sumunod sa abiso ng mga kinauukulang ahensiya para sa kaligtasan ng mga ito lalo na matapos ang pagputok ng Bulkang Kanlaon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble