Pilipinas, makatatanggap ng bakunang AstraZeneca mula sa Japan

Pilipinas, makatatanggap ng bakunang AstraZeneca mula sa Japan

MAGKAKALOOB ang pamahalaang Japan ng donasyong bakunang AstraZeneca sa Pilipinas.

Ayon kay Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, tiniyak nitong maide-deliver ang vaccine doses sa lalong madaling panahon.

Batid ng pamahalaang Japan ang kahalagahan na dapat walang sinumang maiiwan pagdating sa paglaban kontra COVID-19 pandemic.

Kinumpirma na rin ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na isa ang Pilipinas sa mga bansang makatatanggap ng donasyong AstraZeneca vaccines mula Japan.

Gayunman, ani Dominguez hindi pa tiyak kung ilang doses ang ido-donate ng Japan sa bansa.

Inihayag din ng Finance chief na maraming mayayamang bansa ang pumayag sa kasunduan na mag-donate ng 1 bilyong doses ng COVID-19 vaccine sa World Health Organization-led COVAX Facility.

Una rito, iniulat naman ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na nakatanggap na ang bansa ng kabuuang mahigit 8 million (8,329,050) doses ng bakuna mula Pebrero hanggang Mayo ngayong taon.

Target naman ng gobyerno ang higit sampung milyong dosis na delivery ng COVID-19 vaccines nitong Hunyo.

Ngayong buwan, nakatanggap na ang Pilipinas ng mahigit 4 million doses (4,376,820) at inaasahang makatatanggap pa ng dagdag 6.4 million.

Sa buwan naman ng Hulyo, tinatayang 11.670 milyong COVID-19 vaccines ang inaasahang darating sa bansa.

(BASAHIN: AstraZeneca doses na ma-expire sa June 30 at July 31, ‘stable’ pa rin — health experts)

SMNI NEWS