Pinsala sa agrikultura ng Bagyong Odette, nasa P176.4-M

NASA P176.4 milyong halaga ang nagbigay na pinsala ng Bagyong Odette sa sektor ng Agrikultura ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ito ay matapos manalasa ang Bagyong Odette sa bansa nitong nakaraang linggo, matindi ang iniwang pinsala nito partikukar sa sektor ng agrikultura.

Kabilang sa naapektuhan ang mga rehiyon ng CALABARZON, Bicol Region, Western Visayas at CARAGA Region.

Nakaapekto ito sa 3,664 mangingisda at magsasaka sa bansa na halos 10,229 metric tons at 10,830 ektarya ng agrikultura ang napinsala.

Kabilang sa mga apektadong pananim ay ang palay, mais, mga high value crop at pangisdaan.

Bago paman tumama ang nasabing bagyo, may kabuuang sukat na 11,454 ektarya ng palay ang naani mula sa MIMAROPA, Region VI, VIII, IX, XI, at XIII na may katumbas na produksyon na 34,433 metric tons na nagkakahalaga ng P615.53M.

Para naman sa mais, may kabuuang 2,452 ektarya ang naani mula sa Rehiyon IV-A, MIMAROPA, VIII, IX, XI, at XIII na may katumbas na produksyon na 6,965 metriko tonelada na nagkakahalaga ng P82.55 milyon.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang DA sa pamamagitan ng mga Regional Field Offices sa pag-asses sa mga napinsalang pananim at mga lupa sa sektor ng agri-fisheries kung saan ito ay subject for validation.

Kasabay nito, patuloy naman ang ahensya sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang NGAs, LGUs at iba pang tanggapang may kaugnayan sa DRRM para sa epekto ng “Odette”, pati na rin ang mga magagamit na mapagkukunan para sa mga interbensyon at tulong.

Sa ngayon, puspusan na rin ang paghahanda ng ahensya para sa ipamamahaging tulong na pananim para sa mga apektadong magsasaka para sa kanilang pagsisimula muli.

Kung saan magbibigay ang DA ng hindi bababa sa P852.47-milyong halaga na tulong para sa mga magsasaka at mangingisda na lubhang naapektuhan.

Kabilang dito ang P500-M halaga ng Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar habang P148 milyong halaga ng binhi ng palay, P57.6 Milyong halaga ng binhi ng mais, P44.6-Milyong halaga ng iba’t ibang binhi ng gulay.

Maliban dito, naglaan din ng P100-M tulong sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Assistance Program of the Agricultural Credit Policy Council (ACPC) habang P1.64-M worth of fingerlings and assistance para sa mga apektadong mangingisda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Habang P625,150 halaga ng mga gamot para sa pangangailangan ng mga alagang hayop at manok mula sa RFO V at karagdagang tulong mula sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC para mabayaran sa danyos ang mga apektadong magsasaka.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang koordinasyon ng Department of Agriculture sa mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno, mga local government unit, at sa iba pang Disaster Risk Reduction and Management -related offices upang masuri pa ang epekto ng bagyong Odette at para sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhang kababayan.

SMNI NEWS