Pinsalang dulot ng El Niño sa livestock industry, higit P10-M na—DA

Pinsalang dulot ng El Niño sa livestock industry, higit P10-M na—DA

SUMAMPA na sa mahigit P10-M ang halaga ng pinsalang dulot ng El Niño sa livestock industry ayon mismo sa Agriculture Department (DA).

Sobra-sobra ang suplay ng karneng baboy sa bansa ngayon.

Pero sa kabila nito, hindi pa rin naman naibaba ang presyuhan nito sa mga pamilihan.

Ilang merkado pa rin kasi sa Metro Manila ang nagbebenta ng mahigit P400/kg ng karneng baboy. Batay ‘yan sa monitoring ng DA.

Sabi ng ilang nagtitinda, mataas pa rin ang puhunan ng karneng baboy kaya’t kailangang magtaas-presyo sa karne.

“Siguro sa mahal na bilihin kaya tumaas din siya, ‘yung sinusuplayan mahal siguro ‘yung mga pinapakain sa baboy mga feed. Kaya, kung mataas doon sa kinukuhanan taas din kami, kaya ganon,” ayon kay Robin, tindero ng baboy.

Paliwanag naman ng National Federation of Hog Raisers, ilan sa nakaapekto sa pagtaas ng presyo sa merkado ay ang pagiging matamlay o walang-gana sa pagkain ng mga alagang baboy.

“Ang El Niño siyempre it created excessive heat, this is the first time that we experienced… na talagang you know… ‘yung performance ng mga baboy natin siyempre bumabagsak din instead of being able to grow them to 215 to 220 kilos live weight ay ngayon siguro parang 90 to 100…napakahirap,” wika ni Alfred Ng, Vice Chairman, National Federation of Hog Raisers Inc.

Karamihan pa nga sa mga alagang baboy ang namamatay dahil sa heat stroke.

Sa datos ng DA, pumalo na sa milyun-milyong piso ang halaga ng pinsala sa livestock industry dahil sa El Niño.

Kaso ng African Swine Fever sa ilang mga barangay sa bansa, muli na namang tumaas—BAI

Bukod pa diyan, patuloy pa rin ang banta ng African Swine Fever (ASF)

Sabi kasi ng DA muli na namang tumaas ang kaso ng naturang sakit sa ilang barangay sa bansa.

Kaya, nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang biosecurity para maiwasan ang pagkalat ng ASF.

“Ang isa kasing problema, ‘yung biosecurity natin kaya kailangan magtulungan tayo. Dapat ‘yung awareness natin na hindi lang basta basta kasi minsan lax tayo. Kunyari punta ka sa airport wala nang footbath, punta ka ng bus station walang footbath doon, punta ka ng port wala ring footbath doon,” pahayag ni Deogracias Victor Savellano, Undersecretary for Livestock, DA.

Grupo ng magbababoy, nababahala ang pagkalat ng ASF sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan

Pero, hindi pa umano natatapos ang kalbaryo ng industriya sa usapin ng ASF.

Mas ikinababahala kasi ng mga magbababoy ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan.

Ayaw na kasi nilang maulit pa ang nangyari noong 2019 nang mabilis na kumalat ang ASF sa mga alagang baboy.

“Ang takot natin di ba and noong panahon ng ASF noong bumaha dahil na affect kaagad kasi diba ASF mas mabilis mag-travel through water. So, noong binaha ‘yung mga farm kahit hindi o maganda ang biosecurity nila talagang tinamaan sila…. Kapag umulan tumataas ang flu… ganon din sa baboy may mga challenges din,” pahayag ni Alfred Ng, Vice Chairman, National Federation of Hog Raisers Inc.

Clinical trial sa bakuna kontra ASF, matatapos na sa Hunyo; Libreng bakuna, ibibigay sa maliliit na hog raisers—DA

Pero sabi ng DA, malapit na magkaroon ng bakuna kontra ASF na makatutulong para makarekober ang industriya.

Inaasahang matatapos sa Hunyo ang ikatlo at huling safety efficacy trial para sa bakuna kontra ASF.

Ibibigay ito nang libre sa maliliit na hog raisers sa bansa.

“May pondo naman ang gobyerno…kailangan matulungan natin ‘yung mga ‘yun. Iyan ang importanteng matulungan because sa Pilipinas 70%-80%, ‘yun ang holders natin,” ayon pa kay Savellano.

Positibo ang DA na sa buwan ng Disyembre ay may mairerekomenda nang bakuna ang ahensiya na maaaring mabili ng mga malalaking hog raiser.

“The private sector are willing to buy, naghihintay lang sila kapag lumabas na ‘yung vaccine. It’s not much naman ‘yung hindi maka-afford, karamihan sa kanila they can afford that, the vaccine,” wika ni Benjamin Albarece, Asec. for Livestock, DA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble