MATAPOS manalasa ang Super Typhoon Karding, nag-iwan ito ng malaking pinsala sa bayan ng Dingalan.
Alas onse ng umaga kahapon, nagpatupad na ng force evacuation ang Dingalan Municipal Government dulot ng posibleng banta ni Super Typhoon Karding.
Tiniyak ng Dingalan LGU ang kaligtasan ng mga residente nito lalo na sa mga nakatira sa coastal area.
“Sinugsog po natin lahat ng danger zone, flood prone areas, storm surge area natin. Lessons from the past na experiences po natin,” pahayag ni Dingalan Mayor Shierwin Taay.
Aniya, ang mga residente natuto na raw sa kanilang mga naging karanasan sa nagdaang mga bagyo kaya sila na mismo ang lumikas.
Kaniya-kaniyang bitbit ng kanilang mga damit at iba pang kinakailangang mga gamit.
“Grabe iba ang ngayon ang lakas. Grabe, talagang matatakot ka. Sobra. Natatakot na kami noong Ulysses pero mas matindi ngayon,” ayon kay Linda Danao, residente ng Barangay Paltic.
“Yung mga tao talagang maaga pa lang po, wala pa pong ulan, umaaraw pa, pinapunta na po namin dito. Talagang dahil sa mga bagyong dumarating dito, talagang napakalakas po. Nagkaroon na po sila ng leksiyon,” ayon naman kay Lilia de Guzman, residente rin ng barangay.
Samantala, ang mga bintana ng mga opisina sa Municipal Hall tinakpan ng mga plywood upang hindi mabasag.
Lagpas alas diyes trenta ng umaga nang bumuhos ang ulan at unti-unting lumakas ang hampas ng mga alon.
Alas-dos ng hapon nang itinaas ng PAGASA ang Signal No. 5 sa Dingalan.
“Signal No. 5 is a different thing. Bagyong Ulysses po, hindi ganoon kalakas ang ulan, hindi ganoon kalakas ang hangin pero malakas ang storm surge. So ‘yung daluhoy ng dagat, around 7 meters height po iyong ating naging storm surge nu’ng nakaraang Typhoon Ulysses. So ngayon, maaga pa lang, malakas na ‘yung ulan at nakita po natin sa mga information na binigay sa atin ng mga kasama nating Mayor diyan sa Polillo ay sobrang grabe po ‘yung nararamdaman nila mula po kanina pang hapon,” ayon kay Mayor Taay.
Tuluy-tuloy ang pagbuhos nito hanggang sa mas lumakas pa.
Pagsapit ng alas otso ng gabi, mas naranasan pa ang hagupit ni Karding.
Malaking pinsala naman ang nararanasan ng Dingalan matapos ang pananalasa ng bagyo.
Nabuwal ang ilang mga puno at poste ng mga kuryente, nilipad ang mga atip ng bahay at establisimyento.
May mga kalsadang hindi na madadaanan at ang mga naiwan na bangka sa baybayin ay winasak din ni Karding.
Tantiya ng LGU, mas triple ang danyos ng pinsalang iniwan ni Super typhoon Karding kaysa sa bagyong Ulysses.
“Kung noong Bagyong Ulysses ay almost 238 million po kami–total damage ng infra and agriculture, sa palagay ko mas triple po ito. Aabutin po ito ng almost 800 million ano po. But then, hindi ko pa po tutuldukan ito kasi hindi ko pa nakikita lahat ng data na pumapasok at ganoon din po iyong atin pong mga establishments din. Talagang marami pong nasira,” dagdag ni Taay.