MAHIGIT dalawang milyong tao ang inaasahang dadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Mahal na Araw para umuwi sa kani-kanilang mga probinsya o magtungo sa Metro Manila.
Maagang naghanda ang PITX para sa nalalapit na Mahal na Araw kung saan inaasahang dadagsa ang hindi bababa sa 2 milyong pasahero, simula pa lang ng Abril 9, Araw ng Kagitingan, hanggang sa pagbabalik ng mga ito pagkatapos ng Mahal na Araw.
Ayon kay PITX Spokesperson Jason Salvador, sa kanilang pagtataya, ang pinaka-peak na araw ay Sa Holy Wednesday at Holy Thursday dahil karamihan umano sa mga pasahero ay ‘yung mga daily wage earner o hindi makapag-leave na papasok pa hanggang sa huling araw at magsasabay-sabay ang mga ito sa Miyerkules at Huwebes.
Bilang bahagi ng paghahanda ng PITX, sinabi ni Salvador na nakipagkita sila sa mga operator para matiyak na magkakaroon ng sapat na mga bus para magsilbi sa milyun-milyong pasahero ngayong Mahal na Araw.
Nakipag-ugnayan naman sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa pagpapalabas ng mga espesyal na permit kung kinakailangan, pati na rin sa ibang mga ahensya tulad ng Department of Transportation (DOTR), Land Transportation Office (LTO), at Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT).
Binigyang-diin naman ng opisyal ng PITX ang kahalagahan ng kaligtasan sa kalsada, lalo na’t inaasahang maraming tao ang maglalakbay sa susunod na linggo.
Dagdag pa ni Salvador, binabantayan din umano nila ang mga driver kung ang mga ito ba’y nasa tamang kondisyon, sa pamamagitan ng mga random na drug test at breathalyzer test.
Samantala, sa ilalim ng proclamation no. 727 na ipinalabas ng Malacañang, ang Abril 9 o ang araw ng Kagitingan, Abril 17 o ang Maundy Thursday at Abril 18 o ang Good Friday ay mga regular na holiday.
Ang Abril 19 o ang Black Saturday naman ay idineklarang isang special non-working day.